Mga Post

Di mailarawan sa salitâ

Imahe
DI MAILARAWAN SA SALITÂ walang salitâ ang makapaglalarawan pag minamahal mo'y nawalâ nang tuluyan dalamhati ang wikang nauunawaan ng pusò ng makatang dama'y kahungkagan tila ba naabot ang pinakamalalim na sulok niring pagkatao't paninimdim sa init ng araw ang pag-ibig ay lilim parang matinik na rosas ang nasisimsim pinipilit harapin ang katotohanang anumang naganap ay di matatakbuhan káya pa ba ang masakit na karanasan? nawa'y patuloy kong angkin ang katatagan danas ma'y gaano kasakit at katalim na iwing puso'y hinihiwa nang matiim laot ay masisisid kahit na malalim sa kabila ng damang pighati't panimdim - gregoriovbituinjr. 02.18.2026

Pinuntahang dalawang burol sa loob ng tatlong araw

Imahe
PINUNTAHANG DALAWANG BUROL SA LOOB NG TATLONG ARAW Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Linggo, Pebrero 15, 2026, pinuntahan ko ang burol ng aking tiyahin kaya madaling araw pa lang ay nagbiyahe na ako mula Cubao, Quezon City patungong Nasugbu, Batangas. Nakarating ako roon ng bandang ikapito ng umaga. Ikasampu ng umaga ay bumiyahe na kami patungong bayan ng Calaca. Dumating kami pasado alas-dose ng tanghali. Matapos misahan sa simbahan ng San Raphael ng alauna ng hapon ay inilibing na ang Tiya katabi ng puntod ng aking ama, ng dalawa pang tiya, at ng aking mamay (lolo) at inang (lola). Si Tiya Oreng ang tumanggap ng tapis sa ikalawang kasal namin ni misis sa katutubong Igorot na ritwal (July 6, 2018). Kinabukasan naman ang ikatlong kasal sa simbahan (July 7, 2018, na itinaon namin sa anibersaryo ng Katipunan). Martes, Pebrero 17, 2026, pinuntahan ko naman ang burol ng asawa ng aking pinsang buo sa Taytay, Rizal. Umalis ako ng Cubao bandang ikalawa ng hapon at dumating r...

Kung wala sa lansangan ay nasa aklatan

Imahe
KUNG WALA SA LANSANGAN AY NASA AKLATAN kung wala sa lansangan ay nasa aklatan nasa loob ng daigdig ng panitikan ay, naroon muli ako sa aking mundo nagninilay, naghahabi ng kuro-kuro kayraming dapat saliksikin at isulat laksa ang isyung iniatang sa balikat bilang tibak, bilang isang makatang taring katha ng katha, wala man sa toreng garing madalas lakbayin ang malayong daigdig ng mga nimpa't diwatang kaibig-ibig bilang kabalyerong tangan ang kris at pluma habang nagpapatuloy sa pakikibaka pag naalimpungatan sa mahabang tulog ay isusulat agad ang pumaimbulog sa diwa't isasalaysay yaong nangyari at bawat katha sa bayan ay pagsisilbi - gregoriovbituinjr. 02.17.2026

Kapanatagan o dalamhati?

Imahe
KAPANATAGAN O DALAMHATI? madalas daw akong nakikitang tahimik nakatanaw sa kawalan, di humihibik may nararamdaman kayang nakasasabik? panatag ba ang pusò kaya walang imik? ah, di nila batid kung di ako kilala o di naman talaga kami nagkasama loob ko ba'y panatag nang makita nila? kapanatagan na ba dahil tahimik ka? sa mga nakakakilala, dalamhati yaring nadarama, kaya tahimik lagi baka di pa mahabang panahon ang susi upang kapanatagan ay damhing masidhi tahimik at di nagsasalitâ, tulalâ di iyan kapanatagan ng puso't diwà bagamat sa rali madalas magsalitâ sa isyu'y nagningitngit, puso'y lumuluhà - gregoriovbituinjr. 02.17.2026

Never Again

Imahe
NEVER AGAIN "Never Again" anang tibak sa t-shirt ko nakatatak "Never Again" na'y palasak karanasang nakaimbak sa daan kong tinatahak kahit ito'y lubak-lubak nakatanim na sa utak - gregoriovbituinjr  02.14.2026

Pamimigay ng mga aklat sa Araw ng mga Pusò

Imahe
BOOK GIVING SA ARAW NG MGA PUSÒ Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr. Friday the 13th, madaling araw, nang mabasa ko ang ibinahaging patalastas ng Santelmo Publication sa pesbuk, hinggil sa  Book Giving  sa  Quezon City Public Library  sa  Araw ng mga Pusò , ng ikasiyam ng uamaga. Para rin ang donasyong ito sa mga  PDL (Persons Deprived of Liberty)  na nasa  Quezon City Jail. Bago mag-ikawalo ng umaga ng Pebrero 14, 2026, ikawalong anibersaryo ng civil wedding namin ni misis sa Tanay, katatapos ko lang ng isang tulâ bilang pag-alala sa namayapa kong asawa, nang mabasa ko muli sa patalastas ng Santelmo ang oras na 9am-10am. Akala ko'y 9am-12nn, mali pala ako. Kaya pandalas akong naligo, nagbihis, kumuha ng mga aklat na ido-donate ko, at naghandâ nang umalis. Pagkarating ko'y alas-nuwebe y medya na. Nagsimula na ang programa. Naabutan kong namimigay na ng mga aklat si  Rio Alma  o  National Artist Virgilio Almario ....

Sa ikawalong civil wedding natin, sinta

Imahe
SA IKAWALONG CIVIL WEDDING NATIN, SINTA wala ka na'y naalala ko pa nang ikinasal tayong dalawa sa anong layong bayan ng Tanay gayong wala isa man sa atin ang tagaroon, napunta lang din marahil doon ang palad natin na napadpad dahil may kasalan civil mass wedding na'y dinaluhan dahil sa social worker mong igan at tayo nga'y pinagtaling pusò pinagkasundò ang magkasuyò sa mismong Araw ng mga Pusò  aba'y limampu't siyam na pares ang kinasal, tila anong bilis ng panahon, O, sinta kong misis Happy wedding anniv, aking sinta Happy Valentine's nating dalawa saan ka man ay inaalala - gregoriovbituinjr. 02.14.2026