Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2020

Sa bisperas ng Araw ng Paggawa

dapat ay katapusan na ng kwarantina ngayon petsa Abril a-trenta, nagbago na't may ekstensyon petsa Mayo a-kinse ang bago nilang suhestyon kalahating buwan pang kulong sa bahay maghapon bisperas pa naman ngayon ng Araw ng Paggawa ng pandaigdigang araw ng uring manggagawa kahit nasa lockdown man, magdiriwang sa gunita bukas, alalahanin ang proletaryong dakila may ekstensyon man, tuloy ang gampanin at pagkilos sa anumang paraan, gawa'y nilulubos-lubos na mabago pa rin ang sistemang mapambusabos at mapagkaisa ang manggagawang dukhang kapos katapusan na ng buwan, anong nababanaag? may bagong pag-asa ba o buhay pa rin ay hungkag? "flatten the curve", sana kurba'y tuluyan nang mapatag upang madamang ang kalooban na'y pumanatag - gregbituinjr. 04.30.2020

Torpeng tibak

torpe na mula pagkabata, laging inaalat bagamat pakikisama'y ginagawa kong lahat laging tinutukso, kinukulit, may nang-uupat tatahimik na lang, huwag lang silang mambabanat bagamat torpe, di ako umiiyak sa sulok pag naagrabyado, bigla nang iigkas ang suntok walang sabi-sabi, tiyak nguso nila'y puputok mensahe ko na iyon sa mayayabang ang tuktok tumakbo ang panahon, ako'y naging pasensyoso naging tibak na tapat sa tungkulin at prinsipyo ako man ay torpe, marunong umiwas sa gulo ang sistemang bulok na lang ang tinututukan ko aktibistang torpe, nanligaw at nagkaasawa ngunit di nawala ang prinsipyo't pakikisama kumikilos pa para sa panlipunang hustisya sinong maysabing torpe ang tulad kong aktibista? - gregbituinjr.

Munting pagtalakay sa Bayanihan to Heal as One Act of 2020

Imahe
Munting pagtalakay sa Bayanihan to Heal as One Act of 2020 Sinaliksik ni Greg Bituin Jr. Ang Batas Republika Blg. 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020, ay naisabatas noong Marso 24, 2020, at naging epektibo noong Marso 25, 2020. Ito na yata ang pinakamabilis na panukalang naisabatas sa kasaysayan. Pang-Guinness Book of World Records, ika nga. Sa Senado, ipinakilala nina Senador Tito Sotto, Pia Cayetano, Win Gatchalian, et.al., ang Senate Bill No. 1418, at naipasa ang 1st, 2nd, at 3rd Reading ng isang araw lang, Marso 23, 2020. Sa Kongreso, inihain ang House Bill No. 6616 nina Speaker Alan Peter Cayetano, et.al., at naipasa rin ang 1st, 2nd, at 3rd reading sa parehong araw, Marso 23, 2020. Kinabukasan, Marso 24, 2020, ay agad itong pinirmahan ni Pangulong Duterte. Ang nasabing batas ay nagbibigay ng "additional authority" o dagdag na kapangyarihan sa pangulo "to combat" o upang malabanan ang "2020 coronavirus pandemic in the Phililpine

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

Imahe
pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya? "How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari? ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali? libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi? dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari? ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao? bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo? pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo? at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo? di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy? ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy? pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod? kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod? ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod? o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod? - gregbituinjr.

Paglalaba sa umaga

paggising sa umaga ay agad nang maglalaba tatlong araw na kasing labada ko'y nakatengga kaysa naman tuluyang bumaho, aba'y labhan na sino pa bang aasahan mo, may katulong ka ba? wala, kaya sariling katawan ang aasahan lagyan ng tubig, sabunin, kusutin, at banlawan dapat ding iayos ang mga damit sa sampayan upang di gusot pag natuyo na ang kasuotan upang di na rin plantsahin, tipid pa sa kuryente ito'y pagpapahalaga mo na rin sa sarili pagpapahalaga'y parang pagligaw sa babae at sa bawat diskarte'y tumatagos ang mensahe buhay mo ma'y karaniwan, kahit isa kang dukha basta wala kang inaapi, ginagawa'y tama sa paglalaba pa lang, mabuti kang halimbawa pag mahusay sa gawain, maraming nagagawa - gregbituinjr.

Kalusugan ay isama sa pagbabago ng sistema

higit pa sa Ondoy, Yolanda, o anumang sigwa ang nananalasang salot kahit di pa tumama sa pamilya ngunit pangamba'y nakakatulala higit pa sa tripleng pag-iingat na'y ginagawa bawal magkasakit, lalong mahirap magkasakit tila pangmayaman lang ang ospital, anong bait kung wala kang pera't may prinsipyong bawal mangupit tiyak na pag nagkasakit ka'y nakapagngingitngit "Bawal magkasakit" ang nadagdag  na panawagan sa sarili, pamilya, barangay, samahan, bayan paano ka nang kikilos kung may sakit ka naman anong hirap humiga sa banig ng karamdaman idagdag ang kalusugan sa gustong pagbabago ng bulok na sistemang kayrami nang pinerwisyo karapatan sa kalusugan ay dapat iwasto ospital at klinika'y huwag ding isapribado di dapat maging negosyo ang kalusugan natin na kung sino lang ang may pambayad ang gagamutin kaya ganitong sistema'y dapat nating baguhin isang lipunang makatao ang ating likhain - gregbituinjr.

Bukrebyu: Ang aklat na "Lenin's Last Struggle"

Imahe
BUKREBYU:  Ang aklat na “Lenin’s Last Struggle” ni Greg Bituin Jr. Nang makita ko ang aklat na "Lenin's Last Struggle" sa Book Ends Book Shop sa Lungsod ng Baguio noong Hulyo 2019, agad akong nanghiram ng pera kay misis upang mabili ang aklat sa halagang P120.00. Sabi ko agad sa aking sarili, hindi maaaring mawala sa koleksyon ko ang aklat na iyon. Orihinal palang nasulat iyon ng awtor na si Moshe Lewin sa wikang Pranses, at isinalin naman iyon sa Ingles ni A. M. Sheridan-Smith. Bilang aktibista't Leninista, nais kong mabasa agad ang 193-pahinang aklat na iyon. May sampung kabanata mula pahina 3 hanggang 141, at may sampung appendixes mula pahina 143-176. Ang biographical note ay mula pahina 177 hanggang 182, at index mula pahina 183 hanggang 193. Inilarawan ni Lewin sa aklat ang mga pangyayaring kinaharap noon ni Lenin sa huling panahon ng kanyang buhay, at pagkakamali tungkol kay Joseph Stalin.  Tinalakay din ni Lewin ng mahaba-haba ang pa

Di sumusuko ang mandirigma

"As a fighter, you don't give up." - Mphathi Rooiland I ang mandirigma'y mandirigma't di basta susuko sabi ng estrangherong nilalakad ay kaylayo walang pamasahe, gutom, ngunit di nasiphayo sa adhikaing makasama ang kanyang kadugo II huwag susukuan ang kaunti mong suliranin o kahit marami pa, ito'y may kasagutan din sa pagharap sa problema, iyo munang suriin tulad ng puzzle, chess o sudoku'y iyong lutasin lagi mong isipin, may kalutasan din ang lahat ng suliraning di mo matingkala't di mo sukat akalaing daratal, gaano iyan kabigat? paano't bakit sumulpot, saan iyan nagbuhat? imbes layuan, gawin mo itong malaking hamon na kaya mo itong malutas, maging mahinahon tulad ng mandirigmang sumusuko paglaon tatawa ka na lang, iyon lang pala ang solusyon - gregbituinjr.

Gagawin matapos ang lockdown

matapos ang lockdown, maghahanap na ng trabaho nasisilip na ng biyenan, wala raw asenso anong kakainin ng pamilya kung walang sweldo? at naikwento pa sa magulang ko ang ganito buti't di na umatake ang gallbladder ni misis wala ring panggastos kung sakaling siya'y matistis ganito lang daw ba ang buhay, pulos pagtitiis? ako raw ay pultaym na tibak na di pa umalis saan hahanap? sinong tatanggap na pagawaan? kung sa biodata pa lang, kayraming karanasan na higit kalahati ng buhay, nasa kilusan susumpa ba akong pag-oorganisa'y tigilan? masipag bilang tibak lalo na sa pagsusulat maagang gumising,  gagawin kung anong marapat naging sekretaryo heneral din ng ilang pangkat magkatrabaho man, sa tungkulin pa rin ay tapat matapos ang lockdown, iyan ang una kong adhika maghanap ng trabahong sa pamilya'y kakalinga kung kaya, baliin muna ang layuning dakila magsilbi sa kapitalista, na kahiya-hiya kahit tagahugas ng plato'y aking papasukin upang di mapahiya sa umaasa sa akin sana

Danggit at hawot

Imahe
danggit at hawot, parehong tuyo ngayong umaga ang aming inulam na kahit papaano'y mura kaysa processed food o junk food doon sa groseriya mabuti't di na muna isdang kinulong sa lata pinirito ko sa kawali ang parehong tuyo basta huwag masunog ay agad kong hinahango matigas na mantika'y lumalambot sa pagluto kasabay ng kanin, aba'y anong sarap isubo pag masarap ang almusal, masigla ang katawan dama mong sa anumang gagawin ay gaganahan mahalaga'y di magutom ang tiyan at isipan maglampaso, magwalis, maglaba, o magdilig man danggit at hawot, isawsaw sa suka, O,  kaysarap habang sa isip ay may kung anong inaapuhap sa pagkatha, wastong salita ang aking hagilap upang mambabasa'y may bagong pag-asang malasap - gregbituinjr. 04.28.2020

Ginisang karot at wombok

Imahe
ginisang karot at wombok ang inulam kagabi na hinaluan pa ni misis ng tunang Century sa sarap, pakiramdam ng katawan mo'y iigi aaliwalas agad ang mukhang di mapakali kaysarap iulam ng ginisang karot at wombok maganda sa katawan, di ka agad inaantok pakiramdam mo'y aktibo ka sa pakikilahok kaya pagkakain, nilinis ang kawali't sandok ang kasarapang ito sana'y malasahan mo rin at di ka magsisising masarap ang iyong kain subukan mo kayang magluto nito't gagaan din ang pakiramdam mo kahit ito'y iyong papakin tila sa nananalasang sakit ay gamot ito o tingin ko lang pagkat wala nang sakit ng ulo baka mawala ang kulubot at gatla sa noo ah, basta masarap ito't sasaya ka rin dito - gregbituinjr. 04.28.2020 * wombok - ito ang tawag sa petsay Baguio, ayon kay misis

Palaisipan ng makata

pinagninilayan ng makata'y palaisipan kapara'y krosword at sudokung madalas sagutan habang ang buwan at bituin ay pinagmamasdan bukod doon, ano pang mayroon sa kalawakan? natanaw niya ang bruhang nakasakay sa walis nakarating na raw sa buwan ang asong may galis may garapata na sa buwan, mapapabungisngis agogo'y tinitingalang bituing nakaburles ang makata'y pangiti-ngiti, mamaya'y luluha magkano raw kung bilangin ang isang perang muta tumula ang makatang pinabili lang ng suka at masigabo pa rin ang palakpakan ng madla pinangako ng makata sa diwata'y bituin na kanya raw iaalay kung siya'y sasagutin anong sarap ng pag-ibig kung iyong daranasin lalo't kasama mo ang diwatang kayrikit man din - gregbituinjr.

Ang sinumpaan

pag sumumpa ka hanggang kamatayan, panindigan tulad ng pagsumpa ng katapatan sa kilusan "salita'y panunumpa," ayon nga sa Katipunan doon sa Kartilyang umugit sa puso't isipan higit dalawa't kalahating dekada na ako na niyakap ang bisyon, misyon, adhika't prinsipyo ng pagkakapantay nitong mga tao sa mundo walang mayaman o dukha, lipunang makatao hangarin ay lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, nang may panlipunang hustisya di lang pulos rali pag sinabing pakikibaka kundi lumulutas din ng samutsaring problema halina't lipunang makatao'y ating itayo panghabambuhay na pangarap na di maglalaho na mula sa kahirapan, uring dukha'y mahango at maisakatuparan ang lipunang pangako ito ang sinumpaang tungkuling dapat maganap na sama-samang itayo ang lipunang pangarap tutuparin ang layunin gaano man kahirap hanggang ginhawang pangarap ng bayan ay malasap - gregbituinjr.

Maging bahagi ng pagbabago

aanhin mo naman ang isang buhay na tahimik at walang ginagawa kundi sa sulok sumiksik habang isyu't problema ng bansa'y namumutiktik walang pakialam kahit na mata'y magsitirik bahagi ka ng lipunan, halina't makibaka at ating ipaglaban ang panlipunang hustisya maging bahagi ka ng pagbabago ng sistema at pagsikapang lumaya sa kuko ng agila pag-aralan ang mga teorya ng pagbabago maging kaisa sa pakikibaka ng obrero iwaksi ang pribadong pag-aari't luho nito at atin nang itayo ang lipunang makatao masarap maging bahagi ng pangmasang gawain na pakikipagkapwa'y itinataguyod natin na pagpapakatao'y isinasabuhay man din lipunang walang pang-aapi'y ating lilikhain - gregbituinjr.

Makating pakiramdam

sumasakit itong puwit, tila may almoranas nang kinapa ko'y may bilog na balat na lumabas sa butas, makati ang pakiramdam, anong lunas? dapat pang umiri upang makalabas ang etsas kaytagal ko sa kubeta, mag-iisang oras din di na naisipan pang mag-almusal o kumain sa kwarantina'y tila nagiging masasakitin umiikli na ba ang buhay? mamamatay na rin? saan patungo ang tulad kong isang perang muta isang kabig, isang tula ang tulad kong makata isang kahig, isang tuka ang tulad naming dukha na isang pildoras man ay di mabili, kawawa isang libo't isang panday ang makatang may husay subalit sa panahong ganito'y di mapalagay may sakit ang katawan, malusog ang pagninilay nais nang magpahinga't sa tula'y huwag mawalay - gregbituinjr.

Di magla-lie low

pinatitigil na ako't mag-lie low nang tuluyan nais nilang maging mabuti akong mamamayan at maging karaniwang walang malay sa lipunan nais nilang baguhin ang buo kong katauhan iminomolde nila ako sa kanilang gusto subalit sa kalaunan ay aking napagtanto di ako ang kanilang gusto kundi ibang tao gusto nila'y taong ayon sa kanilang modelo tila ba ako'y lalaking nawala sa sarili nawala na ang pagkatao't laman ng kukote sana ito'y kinatha lang ng aking guniguni ngunit tunay, sampalin mo man ako, binibini sampalin mo na ako nang magising sa pagkahimbing sa bokabularyo ko'y walang "lie low", ow? magaling di pa hihinto sa pagkilos, di pa ako praning kahit bayaran pa ng samperang tumataginting - gregbituinjr.

Saan patungo ang maghapon?

saan na naman patutungo ang maghapong ito? na kahit tag-araw, pakiramdam mo'y bumabagyo nilalagnat ang kalamnan, tumama'y ipuipo paano ba malulunasan ang sakit ng ulo nangangatog ang mga tuhod pagkagising pa lang animo'y pinaglaruan ng sanlibong balang tila ba nagdedeliryo, diwa'y palutang-lutang nasa diwa'y paano diligan ang lupang tigang masakit makitang magkasakit ang kapamilya di maisugod sa klinika pagkat walang pera di malaman kung nakabuti nga ang kwarantina lalo't wala na ngang trabaho ay wala pang kita "Bawal magkasakit," ayon sa isang patalastas ito'y isang paalalang dapat kang magpalakas magpaaraw ka, maggulay ka, uminom ng gatas at tubig, bakasakaling ito ang makalunas - gregbituinjr.

Nobela na ang nais sulatin

bakit daw ako sulat ng sulat, kanilang tanong dahil ayokong nakatunganga, baka maburyong ito ang paraan ko ng pagbahagi'y pagtulong kaysa naman sa droga't yosi lang ako malulong pulos tula nga lang at pawang eksperimentasyon akrostika, unang pantigan, soneto,  de kahon ang nais ko namang sulatin ay nobela ngayon lalo na't kwarantina't dinaranas pa ang ambon paano ba sisimulan ang nobelang hangarin kung yaong maikling kwento'y di pa kayang sulatin maikli man ang dagli, mamimilipit ka pa rin para bang gawaing ito'y sangkaterbang pasanin subalit kung manunulat ka'y gagawin ang lahat magplano, magbalangkas, magbanghay, bago magsulat sa huli mo na isipin kung ano ang pamagat aba, simulan na bago pa abutin ng alat - gregbituinjr.

Bandalismo

sa pader, anila, bandalismo'y pagdudumi lang na gawain ng walang magawa, may pusong halang ngunit anong istorya sa likod ng mga patlang bakit isyu ng bayan ang doon ay nakasalang bakit naman bandalismo'y napiling gawin nila? may dahilan kung bakit natin ito nakikita upang mabasa ng madla ang hinaing ng masa at mabasa ang di binabalita ng masmidya huwag mong laging tingnan kung bakit ito dumumi suriin mo rin anong nakasulat na mensahe bakit nasa pader ang sa masmidya'y di masabi alamin bakit hibik ng masa'y sinasantabi - gregbituinjr.

Ang kwarantina'y isang garison

ang lockdown o kwarantina'y parang isang garison sa sariling tahanan ay bilanggong nakakulong tingin sa sarili'y walang kwenta, nabuburyong nabubuhay, ani Balagtas, sa "kutya't linggatong" nabubusog ang tulad ko sa maraming palagay habang gutom sa hustisya ang natokhang, pinatay guniguni'y may binubulong habang nagninilay dapat kong ituloy ang gawaing basa-talakay malupit ang pakiramdam sa bahay nakapiit para bang sa kwarantina lagi kang nakapikit habang kinukulong din ang vendors na maliliit sa iba'y munting bagay, sa akin nakakagalit ramdam ko'y buryong sa kwarantina, sa totoo lang sa garisong ganito'y nais ko na'y kalayaan ngunit nais ko pang manatili ang katinuan kaya tula pa rin ng tula sa kasalukuyan - gregbituinjr.

Ang buhay ko'y pakikibaka

Imahe
ANG BUHAY KO'Y PAKIKIBAKA ang buhay ko'y pakikibaka, alam nila iyan mamamatay akong adhikain pa rin ay tangan di mawawala ang prinsipyo sa puso't isipan mamatay man ako, patuloy na maninindigan sa parlamento ng lansangan kapiling ng masa kumikilos pa rin at magtatatlong dekada na di tumitigil, hanggang kamatayan ang pagbaka alam nila ito, ang buhay ko'y pakikibaka sayang ang buhay ko kung mananahimik sa tabi habang naghihikahos ay parami ng parami kaya ayokong iniisip na lang ay sarili kikilos pa rin ako't sa bayan ay magsisilbi "Be a man for others,"  ang payo nga ng paaralan tapos magiging makasarili kang mamamayan? sayang ang buhay ko kung ganyan ang nasa isipan para kang buwayang nanggagalugad sa katihan "Iisa ang pagkatao ng lahat,"  ang sabi nga ni Emilio Jacinto, bayaning mapagkalinga kaya kasama ko'y aping uri, obrero't dukha pagpapakatao'y tunay na gawaing dakila - greg

Matapos ang lockdown

matapos ang lockdown, ako na'y magboboluntaryo sa mga nangangailangan ng aking serbisyo kahit walang sahod o kaya'y mababa ang sweldo ibabalik kong muli ang sigla nitong buhay ko  masisilayan akong muli sa pakikibaka at magsusulat pa rin ng artikulong pangmasa ipaglalaban pa rin ang panlipunang hustisya at muling sasama sa pagbabago ng sistema hihiwalay sa mga sagabal sa simulain lalayuan ang sinumang balakid sa layunin una lagi'y prinsipyo't niyakap na adhikain iba'y suporta lang sa sinumpaan kong tungkulin matapos lang ang lockdown, patuloy ang aking misyon kikilos para sa adhikaing niyakap noon ayokong basta na lang mawala sa sirkulasyon mabuti nang mamatay kaysa mawala ang layon - gregbituinjr.

Huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka

Imahe
huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka huwag kang bumili ng bigas, baka barilin ka huwag maghanap ng pagkain, baka barilin ka huwag ka nang magsalita, babarilin ka nila huwag hayaang magutom ang pamilya, ingat ka - gregbituinjr. 04.24.2020

Isa akong loner

isa akong loner, anila'y may sariling mundo lumaking laging nag-iisa, introvert daw ako mundo'y pagsusulat, diwata ang kahalubilo sa loob ng panitikan ang buhay ng tulad ko hanggang napag-isip ko, ganito lang ba ang buhay lumabas ako sa kahon at aking napagnilay nais kong mag-ambag sa bayan, buhay ay ialay hanggang piliin ko nang maging tibak habambuhay isa akong loner, sanay kumilos nang mag-isa tungkulin ay ginagawang buong tapat sa masa kahit paminsan-minsan ay dinadalaw ng musa ng panitik na naging kaulayaw ko noon pa isa akong loner, sa bayan ko'y nababagabag anong tulong ba ang ibibigay ko't iaambag sabi ko sa musa, prinsipyo ko'y di matitinag basta ginagawa ko'y tama't walang nilalabag maraming salamat kung ako'y naunawaan din inasawa ng magiliw ang loner na patpatin sana'y maunawaan din ang prinsipyo kong angkin na kung mamamatay ako'y yakap-yakap ko pa rin - gregbituinjr.

Mapuputing ulap

pinagmamasdan kong muli ang mapuputing ulap at muling naghahabi ng mga bunying pangarap gayong sa lockdown ay pagkalugmok ang nalalasap tila pati sa sarili, ako na'y nagpapanggap nagpapanggap na kunwari ako'y malakas pa rin kahit dama'y panghihina ng katawang patpatin na ang isang sakong bigas ay kaya pang buhatin na sampung kilometro'y kayang-kaya pang lakarin matatag pa rin sa niyakap kong paninindigan lalo na't ako'y wala namang layaw sa katawan tumutula upang manatili ang katinuan nilalaro'y sudoku, inaaliw ang isipan langit na'y nagdidilim, may paparating  na unos at ang mapuputing ulap animo'y nauubos paano na haharapin itong paghihikahos sa gitna ng kwarantinang sa bayan nakayapos - gregbituinjr.

Naglalaro ang mga manok

tinititigan kong naglalaro ang mga manok animo'y nagbibiruan silang di mo maarok pinagmamasdan silang ang dama ko'y pagkalugmok tila ba bawat kalamnan ko'y nais magsiputok kailan ba matatapos ang kwarantinang ito nang makahanap ng gawaing kumikita ako mahirap ang walang kita sa sitwasyong ganito pakiramdam ko sa sarili, ako na'y perwisyo isa lang akong pabigat sa pamilya ng byenan walang maiambag upang magkalaman ang tiyan lagi'y lampaso, linis, laba, maghugas ng pinggan paikot-ikot na lang, wala nang ambag sa bayan sana'y matapos na ang lockdown na di na mabata nais kong muling magboluntaryo't bagong simula muling gagampanan ang tungkuling mapagpalaya at muling makibaka laban sa mga kuhila - gregbituinjr.

Problema'y disiplina, kamatayan ang parusa

Imahe
Problema'y disiplina, kamatayan ang parusa problema'y disiplina, kamatayan ang parusa pasaway kasi ang mga nagugutom na masa ang sabi ng pangulo, pasaway ay barilin na at mga trigger-happy'y ginawa ang atas niya pareho silang sa dugo ng kapwa naglalaway sa hazing kasi ang mga trigger-happy sinanay kunwari'y walang alam sa karapatan at buhay dahil pasaway kaya babarilin nilang tunay sariling rules of engagement ay binabalewala anang pangulo kasi, sagot niya ang maysala sumunod lang sa asong ulol ang mga kuhila basta sinabi ng boss nila, wala silang ngawa problema'y disiplina, ang parusa'y kamatayan solusyon nila'y pagpaslang sa problema ng bayan solusyon lagi'y E.J.K. imbes na malunasan ang sakit at kagutuman ng kapwa kababayan - gregbituinjr.

Pagninilay sa kawalan

Imahe
Pagninilay sa kawalan higit sa isang buwan na ang kwarantinang ito lampaso, linis, laba, luto, lalo't lockdown dito nagbubutingting lang sa bahay, solusyon ba'y ano? mas malabo pa sa sabaw ng pusit ang ganito gayunman, sa mga frontliners, maraming salamat sa inyong pagtulong upang virus ay di kumalat sana lunas sa virus ay matagpuan nang sukat para sa kinabukasan, kalusugan ng lahat dahil sa kwarantina, tayo'y sa bahay maglagi upang di mahawa, sumunod kahit panandali di tayo habang lockdown sa bahay mananatili magugutom ang pamilya't magbabakasakali titigan minsan ang mga bituin sa karimlan at pagnilayan mo ang hakbang sa kinabukasan tiyak na mayroon ka ring nais maliwanagan habang matamang nakatitig doon sa kawalan - gregbituinjr. 04.23.2020

Unang pantigan bilang bagong eksperimentasyon ko sa pagtula

Imahe
UNANG PANTIGAN BILANG BAGONG EKSPERIMENTASYON KO SA PAGTULA Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa panahon ng kawarantina, ayokong maging tambay lang sa bahay. Kaya nagsagawa ako ng eksperimentasyon sa pagtula. Nakagawian ko nang gawin ang estilong akrostika, o yaong mga tulang may ibig sabihin ang unang titik ng bawat taludtod, o pag binasa mo pababa ang unang letra ng bawat taludtod ay may lalabas na salita, parirala o pangungusap. Tulad ng tula ko sa  Earth Day 2020 , na ang unang titik ng bawat taludtod pag binasa mo ay Earth Day, at sa  Soneto sa Pamamaslang  na ang nakatagong mensahe'y sa anyong akrostika.  Tula sa Earth Day 2020 E arth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig A lagaan ang kalikasan at magkapitbisig R itmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig? T ao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig H alina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig. D umi sa paligid, basura sa laot at tuktok A ng upos, plastik at polusyong naka

Soneto: Kapit sa Patalim

Imahe
Soneto: Kapit sa Patalim K warantina'y higit isang buwan na, walang kita A no na bang dapat gawin, tutunganga na lang ba? P aano na kami kung patuloy ang kwarantina? I nipong pera'y ubos na, tibuyo'y bubuksan na? T ibuyo'y may kaunting barya, walang limang daan S aan ito aabot kung lockdown pa'y isang buwan? A ng hirap ng baon sa utang na di mabayaran P ati yata puri'y baka maibentang tuluyan. A lalay mula sa gobyerno'y sadya namang kapos T unay na sa sampung milyong tao, ayuda'y ubos A ng daming kakapit sa patalim, walang panustos L umalalang sitwasyon ba'y kailan matatapos? I siping maigi ang solusyon at magmadali M agbayanihan tayo'y nawa'y wala nang masawi. - gregbituinjr. 04.23.2020

Pagsipat sa apat na kwento ngayong umaga

Imahe
PAGSIPAT SA APAT NA KWENTO NGAYONG UMAGA kum akain na lang dalawang beses isang araw kum akayod pa rin sa kabila ng pamamanglaw kum akanta't tutugtog sa youtube kahit mababaw kum akasa na't sana'y tanggapin, hataw ng hataw kum indat ang mutyang diwatang kaysarap ng ngiti kum isig ba ang binatang nagbabakasakali kum isap ang ningning sa mata't ngiti'y namutawi kum ilos siya't masagot na, agad magmadali kum ulo na ang tiyan, walang laman ang sikmura kum urot sa puso ang anak na nagugutom na kum ulimlim na naman ang langit ngayong umaga kum usta na kaya ang nasa malayong pamilya kum punihin ko man ang mga sira't magbutingting kum pulan ay bawal din, dapat may social distancing kum pas ng kamay nawa'y suriin ng magagaling kum pay para sa alaga ko sana'y makarating - gregbituinjr. 04.23.2020

Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat

Imahe
Kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat kulimlim na ang langit sa katanghaliang tapat kuliglig ba'y dinig ko o tulog pa silang lahat? kulisap na iba't iba'y naroroong nagkalat kulit ni bunsong di mapakali'y saan nagbuhat? kulog at kidlat animo'y naglampungan sa langit kulob sa munting dampang munting kibot lalangitngit kulong pa sa dampa pagkat kwarantina'y naulit kulo pa ang tiyan, sana'y di naman magkasakit kulang pa ba sa pamilya ang rasyong ibinigay? kulata pa'y aabutin pag lumabas ng bahay kulaba sa mata'y tila lumaki't nangangalay kulag at gutom pa'y dama, buti't di nangingisay kulti ang tawag sa pabrika ng balat ng hayop kultibasyon ba'y tinitiyak upang magkasalop? kulto sana'y tigilan ang pagsipsip at pagsupsop kultura'y ating linangin nang di basta masakop - gregbituinjr. 04.22.2020 (Earth Day)

Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan

Imahe
Kasabihan, kasarinlan, kasaysayan kasalukuyan ngang mayroon pa ring COVID-19 kasador o mangangaso'y hanap din ay pagkain kasado rin tayong kumilos upang di gutumin kasaba man, kamote o talbos lang ang kainin kasama, patuloy tayong makibaka't kumilos kasapi tayo nitong lipunang binubusabos kasali man o hindi'y kayraming naghihikahos kasangkot tayo sa bayan nating dapat matubos kasalanan sa bayan ang ganid na paghahari kasakiman nila sa tubo'y pinananatili kasagwaang pagyakap sa pribadong pag-aari kasayahan sa tuso't mapagsamantalang uri kasabihan nga'y tuloy pa rin ang pakikibaka kasabayan man o hindi, tayo'y may ninanasa kasarinlan sa pang-aapi't pagsasamantala kasaysayang ang nagbuo'y ang pagkilos ng masa - gregbituinjr. 04.22.2020 (Earth Day)

Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin

Imahe
Pagpupugay sa ika-150 kaarawan ni Vladimir Ilyich Lenin (Abril 22, 1970 - Enero 21, 1924) sa pangsandaan limampung kaarawan ni Lenin halina't siyang taas-kamaong batiin tunay siyang inspirasyon ng rebolusyon natin pinuno ng Bolshevik, bayaning tunay, magiting mga aral niya't sulatin ay ating balikan kunan natin ng aral ang kanilang kasaysayan paano nanalo sa Tsar at mga gahaman? anong niyakap nilang prinsipyo't paninindigan? nagtagumpay sila kasama ang obrero't masa dahil sa kanya, ang prinsipyo'y di na lang Marxista Marxismo'y sinabuhay, pinaunlad ang teorya kaya yumakap doon ay Marxista- Leninista mabuhay ka, Vladimir Lenin, mabuhay! Mabuhay! inorganisa'y Bolshevik, proletaryo'y kaugnay para sa uring manggagawa, buhay ay inalay sa iyong kaarawan, taospusong pagpupugay! - gregbituinjr. 04.22.2020

Tula sa Earth Day 2020

Imahe
Tula sa Earth Day 2020 E arth Day, ating ipagbunyi ang Araw ng Daigdig A lagaan ang kalikasan at magkapitbisig R itmo ng kalupaan ay iyo bang naririnig? T ao raw ang sumira't tao rin ang nayayanig H alina't dinggin ang kalikasang bahaw ang tinig. D umi sa paligid, basura sa laot at tuktok A ng upos, plastik at polusyong nakasusulasok Y inari ng taong siya ring lulutas, lalahok. - gregbituinjr. 04.22.2020

Maitim man ang balat

huwag mong hanapin sa akin ang di naman ako isang taong mayaman, may negosyo, nakapolo huwag mong hanapin sa akin ang maputing tao gayong sa simula pa'y alam mong maitim ako maitim ang balat, di ang budhi o pagkatao ayaw mong mag-isip ako't sa bayan makialam? tula'y nang-aagaw ba ng pagsintang di maparam? imomolde mo ba ako sa iyong inaasam? papuputiin mo ang kayumangging kaligatan? babaguhin mo rin ba ang buo kong katauhan? ako'y aktibistang nais mong maging negosyante di problema kung nais mong ako'y mukhang disente ngunit puso't diwa ko ba'y susunod sa diskarte? mula sa mabuting tibak ay magiging salbahe? pagkatao'y wala na't sa iba na magsisilbi? ang maglingkod sa burgesya't kapitalista'y ano? magpaalipin dahil lang sa karampot na sweldo? winasak ko lamang ang prinsipyo ko't pagkatao pag tuluyang nangyari iyan, nakapanlulumo di na ako ang ako, pagkat pinaslang na ako - gregbituinjr.

Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che

Imahe
Rebolusyonaryong pag-ibig, ayon kay Che “At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love." ~ Argentinian doctor Che Guevara alam kong may puwang pa sa puso mo ang pag-ibig ito ang rason bakit tayo nagkakapitbisig sa ating kapwa't dinadamayan ang walang tinig pagkat tayo'y magkakapatid sa buong daigdig kaya huwag kang mainggit na mayaman ang iba marami sa kanila'y nabubuhay lang sa pera di nagpapakatao, at balewala ang masa walang pakialaman, iyan ang prinsipyo nila puno ng pag-ibig ang nakikibakang tulad mo nakikipagkapwa, naninindigan, may prinsipyo tulad mo'y di mukhang pera kundi talagang tao mabuhay ang tulad mong ang adhika'y pagbabago rebolusyonaryong pag-ibig ang nagpapakilos upang magkaroon ng sistemang walang busabos itatayo ang lipunang walang naghihikahos adhika'y lipunang pantay na walang dukha't kapos - gregbituinjr.

Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula

Imahe
Hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula hindi ko ipagdadamot ang aking mga tula sa nais magbasa nito o bigkasin sa madla at kung kailangan, sila pa'y aking igagawa ng tula, basta magmungkahi lang sila ng paksa gayunman, salamat din sa mga di nagbabasa dahil ang mas nais nilang basahin ay nobela baka tingin nila ginagawa ko'y propaganda gayong tula'y pagbibigay ng pag-asa sa masa lumaki na akong nakikibaka't di maramot pag may pera'y galante, pag walang pera'y kuripot ngunit aking mga katha'y di ko ipagdadamot ito'y paraan ko ng pagsisilbing walang imbot sana'y malathala ang mga ito sa magasin sa mga dyaryo, libro, o iba pang babasahin kung mamatay na ako'y daigdig na ang aangkin nitong mga tulang aking kinatha't di na akin - gregbituinjr.

Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka

Imahe
Taluktok ay naaabot din ng nakikibaka talahulugan ay magandang gawin nating gabay talasalitaan ay gamitin sa tagulaylay talata o saknong man ay may akibat na lumbay talastas mo dapat ang paksang iyong naninilay talindaw ang katha habang bumabaybay sa ilog talinghaga sa bawat saknong ay damhin mo, irog talino'y linangin sa mga tulang maalindog taliwas man sa burgesya'y panindigan ang handog talos mo naman bakit tinalakay mo ang isyu talop na talop mo ang buong paksa hanggang dulo talo man sa debate, isyu'y nalaman ng tao talon man sila sa tuwa, tumindig kang totoo talumpati'y atake man sa bulok na sistema taludtod mo'y patama man sa sukab na burgesya talukod ka sa sambayanang laging may pag-asa taluktok ay naaabot din ng nakikibaka - gregbituinjr.

Ang tagpo'y tagpos man sa takdang panahon

Imahe
ANG TAGPO'Y TAGPOS MAN SA TAKDANG PANAHON tagaktak ang pawis sa bawat niyang pagpunyagi tagal man ng kwarantina'y di nagpapaduhagi tagas sa gripo'y papasakang may pagmamadali tagasaan man ay laging nagbabakasakali tagistis ang pawis sa pagsisipag nilang todo tagilid kasi ang kabuhayang walang trabaho tagibang habang iniisip ang kasunod nito tagisan muna tayo sa paglaro ng sudoku tagunton ang nililikha ng makata ng buhay tagulaylay ang kinakatha habang nagninilay taguyod ang panitikang may mga akdang lantay taguri sa makata'y isang libo't isang panday tagpong kung di matingkala'y baka di makaahon tagpos man o sadyang lampas na sa takdang panahon - gregbituinjr.

Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit

Imahe
Mag-Bitamina D, panlaban sa sakit gumising ng maaga, isang oras sa arawan Bitamina D umano sa sakit ay panlaban ang init ng araw ay pampalakas ng katawan upang kurikong at kagaw ay mawalang tuluyan pagitan ng ikapito't ikawalo ang init sa umaga'y tamang oras, gawin itong malimit huwag sa tanghaling tapat, sa balat ay masakit mag-ehersisyo ka rin, pagpapainit ay sulit ano ba kung mainitan ng araw sa umaga? balat mo'y mangingitim? puti mo'y mawawala na? kung ayaw mong magkasakit, mag-Bitamina D ka isiping nilalabanan ang virus sa tuwina kung may sakit ka'y baka unti-unti nang mawala at papatayin ng init iyang virus na banta nagbabakasakali, nag-iisip, ginagawa para sa kalusugan mo, ng pamilya't ng madla - gregbituinjr.

Tula sa World Creativity and Innovation Day

Imahe
Tula sa World Creativity and Innovation Day M aging malikhain sa panahon ng COVID-19 A ng trabaho mo sa labas ay sa bahay na gawin G ising man ang diwa sa paligid, magsuri pa rin I nobasyon ng bagay-bagay ay iyong likhain N aplano mo ba paanong dampa mo'y palakihin? G uhitin sa isip ang mga inobasyong asam M agsuri ng kongkreto sa kongkretong kalagayan A ng sirang gamit ba'y maaayos pa sa tahanan? L atang walang laman ay maaaring pagtaniman I punin ang mga walang lamang bote't linisan K unin ang pluma't papel, magsulat, ano bang plano H uwag maging kantanod na nanonood lang dito A balahin ang sarili't likhain ang kung ano I siping sa paligid, may magagawa kang bago N awa ang malikha mo'y makakatulong sa tao. - gregbituinjr.

Si Ahna Capri ng Enter the Dragon ni Bruce Lee at si Ana Capri ng pelikulang Pilipino

Imahe
SI AHNA CAPRI NG ENTER THE DRAGON NI BRUCE LEE AT SI ANA CAPRI NG PELIKULANG PILIPINO Maikling saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr. Magkaiba lang ng baybay o spelling ng pangalan, subalit magkatunog ang pangalan nila't apelyido. Parehong artista. Parehong sikat sa kani-kanilang panahon. Gayunman, ang mga pangalang iyon ay screen name lang nila bilang artista. Si Ahna Capri, sa tunay na buhay ay si Anna Marie Nanasi (Hulyo 6, 1944 - Agosto 19, 2010), ay isang aktres sa Amerika, ipinanganak sa Budapest, Hungary, at kilala bilang si Tania, na sekretarya ni Han, ang kalaban ni Bruce Lee, sa pelikulang Enter the Dragon. Ang unang baybay ng kanyang pangalan ay Anna Capri sa ilang mga pelikula, at inayos niya ito ang spelling nito at naging Ahna Capri noong 1970. Si Ana Capri, sa tunay na buhay ay si Ynfane Avanica (isinilang noong Abril 24, 1979), ay isang akltres sa Pilipinas, na naging bida bilang si Talya sa una niyang pelikulang Virgin People 2 (1996) at Pila Balde