Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Pebrero, 2023

Otso

Imahe
OTSO sinilang akong Oktubre, pangwalong buwan noon sa numero otso o bilang walo'y anong meron ah, mababakas kaya rito ang aking kahapon tulad ng kapalaran sa palad ng mahinahon ang atomic number ng oxygen ay otso, di ba? at walo rin ang galamay ng pugita't gagamba walo lang ang naroong tao sa arko ni Noah walo rin ang bilang ng anghel sa trono ni Allah sa Tsino, otso ang pinakamaswerteng numero  pag Senador ka, numero otso iyang plaka mo sa tula, kung tanaga ay pito, dalit ay walo gansal ay siyam o odd number, na kinakatha ko ang walongdaan walumpu't walo kung daragdagan ng walumpu't walo, bilangin mo, ilan na iyan idagdag pa'y walo, walo pa, at walo na naman aba'y sanlibo na ang suma o sampung sandaan - gregoriovbituinjr. 02.28.2023

Usapang Wika, Kaliwa Dam, Pagsasalin at KWF

Imahe
USAPANG WIKA, KALIWA DAM, PAGSASALIN AT KWF  Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Isa ako sa mga nakasamang maglakad sa siyam na araw na Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Malakanyang noong Pebrero 15-23, 2023. Pebrero 14 pa lang ay nag-date na kami ni misis dahil anibersaryo ng aming civil wedding at hapon ay bumiyahe na ako patungong General Nakar dahil doon ang simula ng lakaran, at Pebrero 24 na kami naghiwa-hiwalay matapos ang Alay-Lakad. Bukod sa matingkad na isyu ng Kaliwa Dam na wawasak sa 291 ektaryang kagubatan, bukod sa maaapektuhan ang ilang libong pamilya ng katutubong Dumagat-Remontado, bukod sa mawawasak pati Agos River sa Gen. Nakar, isa sa pinakamatingkad na tumatak sa akin ay ang sinabi ni Nanay Conching, na isa sa lider ng mga katutubo, nang sinabi niya noong dumating kami sa Ateneo, Pebrero 22 ng gabi, na ang pinababasa sa kanilang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles, kaya hindi nila agad iyon maunawaan, kaya sila nalolok

Palaisipan

Imahe
PALAISIPAN kailangan daw hasain yaring isipan upang di kalawangin sa pamamagitan ng pagsagot ng sudoku't palaisipan na malaking tulong sa ating kalusugan palaisipan sa akin bakit sinabi ang ganoon, nag-uulyanin na ba kami o nagpayo lang kung anong makabubuti sa amin nang di naman mawalan ng silbi bata pa lamang ako'y nakagawian na ang pagsagot nito sa dyaryong nababasa ehersisyo sa diwa, kahali-halina tila nilulutas mo ang x sa aldyebra ano ang lohika, anong sagot sa dulo sasagutin mo maging titik o numero matuto sa bokabularyong Pilipino at masanay sa matematika't sudoku - gregoriovbituinjr. 02.27.2023

Kumukulong tiyan habang naglalakad

Imahe
KUMUKULONG TIYAN HABANG NAGLALAKAD mula sa limang araw na lakad, kinagabihan lamang talaga nailabas ang laman ng tiyan ilang araw akong namamahay, talaga naman para ngang nabunutan ng tinik sa lalamunan at kanina, habang naglalakad ay kumukulo ang tiyan kong tila ba may kung anong nagdurugo animo'y lalabas na't puwitan ko'y sinasapo kaya ramdam ko sa paglalakad ay hapong-hapo talaga kong tiniis upang makasabay pa rin sa paglalakad kundi sila'y aking hahabulin mahirap mawala sa hanay, ito'y titiisin mabuti't sa kalaunan, sakit ay nawala rin danas na sa gunita'y di mag-iiwan ng sugat kundi pangyayaring marapat lamang maisulat aral ay kung anong paghahanda ang nararapat kung kumulo muli ang tiyan o kung mamulikat - gregoriovbituinjr. 02.20.2023 * kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Napagnilayan sa Teresa

Imahe
NAPAGNILAYAN SA TERESA di ka ba iiyak pag nakita mong sinisira ang tahanan mong inalagaang buong tiyaga ang kalikasang kayo yaong tagapangalaga ang kabundukang nag-alay ng buong pagpapala di ka ba tatangis pag nalaman mong winawasak ang inyong lupaing ninuno ng mga may pilak ang kagubatang kuhanan ng pagkain ng anak ang mga kapwa katutubo'y laging hinahamak di ka ba luluha pag namasdan mong tinitibag ang inyong lupain at kayrami nilang paglabag gayong sa Kaliwa dam ay di kayo pumapayag na sa proyektong ito kayo'y di napapanatag di ka ba magagalit na buhay ninyo'y sinadsad sa ngalan ng tubo at ng sinasabing pag-unlad wasto lamang na proyektong ito'y inyong ilantad at paninindigan ng katutubo'y mailahad di ka ba mapopoot sa mga dating pinuno na kapalit ng pera, kayo'y ipinagkanulo na salinlahi't kultura'y nagbabantang maglaho dahil sa kanilang kagagawan sa katutubo di ka ba kikilos hangga't may natitirang oras upang labanan ang sistemang di pumaparehas

Hustisya sa katutubo at kalikasan

Imahe
HUSTISYA SA KATUTUBO AT KALIKASAN (Pebrero 20 - World Day of Social Justice) mawawasak ang kalikasan, nahan ang hustisya? tahanan ng katutubo'y wawasakin ba nila? lupang ninuno'y sisirain, nahan ang hustisya? sisirain din ba ang kinagisnan at kultura? sa  Daigdigang Araw ng Hustisyang Panlipunan maiging ang mga ito'y ating mapagnilayan malaking banta ang pagtatayo ng Kaliwa Dam dahil apektado ang buhay nila't kabuhayan sila'y kapwa tao rin, saan na sila tutungo? di ba't kapatid din natin ang mga katutubo? Sierra Madre'y tahanan nila't lupang ninuno na sa proyektong Kaliwa Dam ay baka maglaho kinabukasan nila'y kanilang pinagtatanggol laban sa proyektong dulot ay buhay na masahol proyekto mang iyan ay milyon-milyon ang magugol nakataya'y buhay nila, di sila pasusuhol ang buhay ng katutubo't kalikasang narito pati lupang ninuno'y pinagtanggol na totoo kaya sa paninindigan nila, ako'y saludo inspirasyon sila kaya nanindigan din ako kaisa

Pagdatal sa Teresa

Imahe
PAGDATAL SA TERESA maikling lakaran lamang ang Tanay at Teresa kaya nang umalis kami ng Tanay ng umaga ay naroon na kami sa simbahan ng Teresa bandang ala-una, pananghalian ay doon na sa lahat ng naglakad, taospusong pasalamat nawa sa ating paglalakad, kayraming mamulat na Sierra Madre'y pangalagaan nating lahat huwag ibigay sa tuso't kapitalistang bundat gayong uutangin lang nila sa Tsina ang pondo magbabayad ay buong sambayanang Pilipino winasak na ang kalikasan, nabaon pa tayo sa bilyong utang na pagdurusahan ngang totoo kaya panawagan natin, dapat lang makialam para sa katutubo, kalikasan, sambayanan di payagan ang walang budhi't walang pakiramdam sa kapwa tao kundi sa kanilang bulsa lamang - gregoriovbituinjr. 02.20.2023 * kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Ikalawang kamiseta

Imahe
IKALAWANG KAMISETA kagabi, kararating pa lamang namin sa Tanay ikalawang kamiseta'y kanilang ibinigay na tatak ay  "Stop Kaliwa Dam"  na aming pakay na dapat naming kamtin sa mahabang paglalakbay limang araw ko nang suot ang binigay sa Sulok nanlilimahid na, marumi na dahil sa gabok mabuti't may bago kaming tshirt, nakalulugod sa natitirang apat na araw pa'y isusuot kailangang lagi naming suot upang makita ng masa't ng midya ang aming isyung dala-dala makitang sa panawagan kami'y nagkakaisa nagkakapitbisig sa layon, seryoso talaga dahil buhay at kinabukasan ng katutubo ang nakataya, lalo na ang lupaing ninuno ang Sierra Madre'y isang kabundukang pangako na ayaw nilang dahil sa dam tuluyang maglaho - gregoriovbituinjr. 02.20.2023 * kinatha habang nagpapahinga sa aming tinuluyang simbahan ng Saint Rose of Lima Parish, na tinulugan sa Teresa, Rizal

Namamahay

Imahe
NAMAMAHAY sa ikalimang gabi lang ako nakapagbawas dahil namamahay ng ilang araw na lumipas talagang bumigay nang makaupo sa kasilyas nakahinga ng maluwag sa ramdam na pagtagas siyang tunay, para akong nabunutan ng tinik nawala ang kung anong sa katawan ko'y sumiksik talagang kaginhawahan ang biglang naihasik mabuti't sa paglalakad ay di ako tumirik aba'y sampung araw akong di uuwi ng bahay dahil nasa mahabang lakarang may isyung taglay nawa'y maipagwagi namin ang layuning pakay sunakit man ang tiyan, sana'y kamtin ang tagumpay - gregoriovbituinjr. 02.19.2023 * kinatha sa basketball court na tinuluyan namin sa Barangay Katipunan, Tanay, Rizal

Paltos at bagong tsinelas

Imahe
PALTOS AT BAGONG TSINELAS nang dahil sa paltos / may bagong tsinelas na handang isuot / at ilakad bukas itinago ko na / ang aking sandalyas na nakapaglingkod / sa akin ng patas sana'y di mapigtal / ang bagong tsinelas at sa paglalakad / ay huwag madulas marating pa sana / ang mithiing landas at ang inaasam / na magandang bukas - gregoriovbituinjr. 02.19.2023 * kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Barangay Katipunan, Tanay, Rizal

Sa Morong

Imahe
SA MORONG mula Famy, dumaan sa Siniloan, Mabitac Pililla, Baras, Morong, at sa Tanay na bumagsak paltos ang paa sa sandalyas, buti't di nagnaknak mabuti't sa paglalakad ay walang napahamak hinuli pa ang dyip na lalagyan ng gamit namin ininterbyu ng A.B.S.-C.B.N. at C.N.N. hinggil sa isyu ng Kaliwa Dam si Nanay Conching kung bakit kami naglalakad, ano ang layunin tumigil sumandali upang makaihi kami pag nasira ng dam ang lupain, sino ang saksi kundi ang naroon, sila ang makapagsasabi ang may hangad ng dam, sila ba sa masa'y may silbi o tanging hangad lang nila'y ang kumapal ang bulsa mga sakim, lolobo ang utang natin sa Tsina sa mga katutubo'y anong pakialam nila di sila nagpapakatao, hangad lang ay kwarta - gregoriovbituinjr. 02.19.2023 * kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Barangay Katipunan, Tanay, Rizal

Nananghalian sa daan kahit umuulan

Imahe
NANANGHALIAN SA DAAN KAHIT UMUULAN bandang Pililla, Rizal nang kami'y managhalian doon sa dinaanang kurbada nang umuulan ang mayorya'y nakakapote, walang masilungan isa lang sa dinanas ng mga nasa lakaran walang maupuan, kumain kaming nakatayo may bagyo yata, ngunit kami'y di nasisiphayo ganyan man, di aatras, mithiin ay di guguho ulan lang iyang sa atin ay di magpapagupo wala nang laman ang bote ng tubig ko't sumahod nang direkta sa ulan, subalit di sa alulod upang matighaw ang uhaw, na lunas din sa pagod na pagtutol sa Kaliwa Dam ay tinataguyod - gregoriovbituinjr. 02.19.2023 * kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Barangay Katipunan, Tanay, Rizal. lowbat na ang selpon nang panahong iyan kaya di nakunan ng litrato ang sitwasyon * ang litrato sa itaas ang disenyo ng tarp na dala ng mga kapatid nating katutubo

29 Kilometrong lakad ngayong araw

Imahe
29 KILOMETRONG LAKAD NGAYONG ARAW ngayong araw ay mahaba-haba ang lalakarin pakiramdaman kung ang ganito ba'y kakayanin walang umaatras basta makamit ang layunin para sa bukas at buhay nitong lahat sa amin di namin pinoproblema gaano man kalayo mas problema kung Kaliwa Dam ay maitatayo buhay, kabuhayan at kultura'y baka maglaho at sisira rin sa tahanan at lupang ninuno lalakarin ang kaylayo para sa katarungan sa aming anak, sa pamayanan, sa kalikasan dahil may tungkulin kaming ito'y pangalagaan hanggang susunod na salinlahi't kinabukasan di pumayag ang Pililla, diretso kaming Tanay napaaga na gayong bukas pa iyon ang pakay salamat po sa umuunawa't umaalalay malayo man ay handa kami para sa tagumpay - gregoriovbituinjr. 02.19.2023 * kinatha ng madaling araw sa simbahan ng Famy, Laguna

Maraming sumamang matatanda sa Alay-Lakad

Imahe
MARAMING SUMAMANG MATATANDA SA ALAY-LAKAD kita ko iyon, maraming matatandang sumama sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, talaga may edad na babae't lalaki, lolo't lola na para sa kinabukasan ng salinlahi nila kita sa lakad ang katatagan ng mga buto nakakasabay pa sila sa bawat ehersisyo sakripisyo nila'y tanaw mo sa gatla sa noo upang kinabukasan ay ipaglabang totoo sa Alay-Lakad na ito'y sino kayang hihindi kung nakapatungkol na sa buhay ng salinlahi kahit matanda na'y sumama, buhay ay binahagi anang isa, huling hininga man ang nalalabi sumama siya rito para sa kinabukasan ng kapwa katutubo, kagubatan, kalikasan, sa kabundukang kanilang pinangangalagaan at upang di na maitayo ang dambuhalang dam sa mga matatanda, kami'y nagpapasalamat na pinakitang halimbawa'y nakapagmumulat na prinsipyo't sakripisyo'y di mo basta masukat bahagi sila ng kasaysayang dapat masulat - gregoriovbituinjr. 02.18.2023 * kinatha sa simbahan ng Famy, Laguna, bago matulog

Pagdatal sa Famy

Imahe
PAGDATAL SA FAMY maraming sumalubong sa aming isyu rin ay dam taga-Pakil sila't nangangamba sa Ahunan dam na isang hydropower project at Belisama dam na nakasulat sa plakard nila't ano ang asam silang mga apektado ng nasabing proyekto bakit itatayo ang dam, pag-unlad nga ba ito? ayos ba ang pag-unlad kundi sisirang totoo sa kalikasan, kultura, at tahanan ng tao? sa unang palapag na kami ng simbahan ngayon makakapahinga na rin ang naglakad maghapon ikalawang palapag sa unang lakaran noon sa Lakad Laban sa Laiban Dam tumuloy din doon muli, maraming salamat sa mga sumuporta upang dakilang hangarin ay makamit talaga - gregoriovbituinjr. 02.18.2023 * kinatha habang nagpapahinga kami sa simbahan ng Famy kung saan doon na rin kami naglatag ng banig at nagpalipas ng magdamag

Napaaga sa Barangay Paagahan

Imahe
NAPAAGA SA BARANGAY PAAGAHAN kay-aga namin sa Barangay Paagahan mga sasalubong pa'y aming naunahan di ko inaasahan ang gayong pangalan nagkataon lang ba, aba'y mabuti naman sa basketball court niyon kami nagmeryenda umakyat doon alas-siyete y medya nang nakakapote't umuulan talaga anong kapal ng mga ulap, may bagyo ba? maraming salamat sa mga sumalubong at nakaraos muli sa kanilang tulong umalis kaming nagpatuloy sa pagsulong upang kamtin ang layunin, walang uurong - gregoriovbituinjr. 02.19.2023 * inumpisahang kathain sa Barangay Paagahan sa Mabitac, Laguna, at tinapos sa Barangay Katipunan sa Tanay, Rizal

Pahinga sa hangganan ng Quezon at Laguna

Imahe
PAHINGA SA HANGGANAN NG QUEZON AT LAGUNA pagsapit ng Kilometer Sixty-Nine nagpahinga pagkalampas ng hangganan ng Quezon at Laguna doon naghihiwalay ang Mabitac at Pililla namuti sa kapote ang mahaba naming pila pagkat umuulan noon, nakakapote lahat umupo ako sa bato habang dinadalumat ang adhikaing nakaatang sa aming balikat na talagang kakayanin gaano man kabigat upang irehistro ang pagtutol sa Kaliwa Dam upang ipagtanggol ang buhay at kinabukasan at depensahan ang lupang ninuno't kalikasan lalo ang Sierra Madre, ang buong kabundukan buti't ako'y nakiisa, kaya damang-dama ko ang kanilang ipinaglalaban, at ang prinsipyo dama mo ito kung nauunawaan ang isyu kaya sila'y ipaglalaban mo hanggang sa dulo - gregoriovbituinjr. 02.18.2023 * kinatha habang nagpapahinga sa simbahan ng Famy kung saan doon na rin kami naglatag ng banig at nagpalipas ng magdamag

Sa UP at sa Barangay Kapatalan

Imahe
SA UP AT SA BRGY. KAPATALAN tilapyang sinabawan yaong inagahan namin naglagay ng tubig sa bote't nakasipilyo rin maya-maya'y humanay na't umpisa ng lakarin upang ipagpatuloy ang minimithing layunin may sumalubong sa UP, nagpameryenda sila saging na lakatan, biskwit, isang boteng tubig pa mga katutubo ang nangolekta ng basura makikita mo talagang sila'y may disiplina tumuloy sa covered court ng Barangay Kapatalan sa Siniloan, habang hintay ang pananghalian ay nagbasketbol ang ilang matanda't kabataan alas-diyes y medya, ang init ay katamtaman may namigay pa roong isang plastik ng pilipit ramdam mo ang suportang di nila ipinagkait - gregoriovbituinjr. 02.18.2023 * kinatha ng tanghali habang nagpapahinga sa covered court Barangay Kapatalan sa Siniloan, Laguna

Isang minutong katahimikan

Imahe
ISANG MINUTONG KATAHIMIKAN isang minutong katahimikan ang inalay bago mag-agahan para sa kasamang namatayan narinig ko sa nagsasalita kaya iniyuko ko ang mukha bilang paggalang sa namayapa ikapito nang kami'y naglakad kahit marami na ang may edad na asam kamtin ang hinahangad - gregoriovbituinjr. 02.18.2023 * kinatha ng umaga sa simbahan ng Brgy. Llavac, Real, Quezon

Sa simbahan ng Llavac

Imahe
SA SIMBAHAN NG LLAVAC elementary school ang una kong tinulugan sa Llavac noong unang Lakad Laban sa Laiban Dam akala ko'y doon muli, ngayon na'y sa simbahan ikalawang pagtulog ko sa Llavac, kainaman ginagawa ang simbahan, at sa semento muli kami naglatag ng banig, at aking winawari na lakarang ito'y isang pagbabakasakali kaysa tiklop lang ang tuhod, ipaglaban ang mithi sa ganito ko nakikita ang aming layunin mabuting kumilos kaysa lahat lang ay tanggapin itigil ang Kaliwa Dam, kaylinaw ng mithiin sumama sa lakad na may dakilang adhikain nakataya ang kalikasan at lupang ninuno nakataya ang buhay at bukas ng katutubo pag nagawa ang dam ay matataboy sa malayo baka pagkatao't kultura'y tuluyang maglaho maginaw ang buong gabi't umuulan sa labas may bagyo ba, tikatik ng ulan ay lumalakas kailangan naming magpahinga upang may lakas pagkat malayo pa ang lalakarin namin bukas - gregoriovbituinjr. 02.17.2023 * kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa simbahan ng Ba

300

Imahe
300 tila kami mandirigmang langgam tatlong daang kawal laban sa dam naglalakad na ang tanging asam ay di matuloy ang Kaliwa Dam buhay ang taya kaya tumutol lupang ninuno'y pinagtatanggol laban sa imbi, kuhila't ulol na bulsa lang ay pinabubukol kaya patuloy ang aming hiyaw ang pagtutol sa dam ay kaylinaw pag natuloy, parang may balaraw sa likod ang tumarak, lumitaw sa lakaran, malinaw ang pakay na sadyang napakalaking bagay ipagtanggol ang bukas at buhay iyan ang aming adhikang lantay - gregoriovbituinjr. 02.17.2023 * kinatha sa pinagpahingahang simbahan sa Brgy. Llavac, Real, Quezon, kasama ang makatang gala sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

Lugaw, sambalilo, tsinelas at kapote

Imahe
LUGAW, SAMBALILO, TSINELAS AT KAPOTE madaling araw ay nagising at umihi ang lamig ng semento'y tagos ng masidhi banig lang ang pagitan, ako'y hinahati sakaling magkasakit ay di ko mawari ikaanim ng umaga'y nais magkape bago magkanin ay naglugaw muna kami mayroong tsinelas, sambalilo't kapote binigay nang maprotektahan ang sarili ehersisyo muna sa Barangay Tignoan doon sa covered court na aming tinuluyan kaylakas ng hangin, talagang kabundukan nilabhan nga nami'y natuyo agad naman di ko alintana gaano man kahaba ang kilo-kilometrong lalakaring sadya mula General Nakar patungong Maynila para sa isyu, ang pagod ay balewala - gregoriovbituinjr. 02.17.2023 * kinatha sa umaga ng  Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam  habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, ikapito ng umaga ay nag-umpisang muli ang lakaran

Layon ko

Imahe
LAYON KO naglakad ako para sa panitikan isa iyan sa layon ko sa lakaran sariling kayod para sa panulaan na larangang aking pinagsisikapan naglakad ako para sa katutubo nang buhay at bukas nila'y di maglaho naglakad din para sa lupang ninuno dahil kapwa Pilipino at kadugo tanto kong di ako magaling bumigkas ng mga taludtod sa anyong madulas ngunit sa mukha ko'y inyong mababakas kung paano bang sa pagtula'y matimyas totoo namang ako'y nagboluntaryo upang makasama sa lakarang ito  pagkat dama kong katutubo rin ako at kaisa ng Dumagat-Remontado sumama sa Lakad Laban sa Laiban Dam na ilang taon na ang nakararaan; sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam ngayon ay sumama sa kanilang laban nawa'y magtagumpay ang aming adhika na Kaliwa Dam ay matutulang sadya pagkat sa Kaliwa Dam ang mapapala ay pawang ligalig, kamatayan, sigwa - gregoriovbituinjr. 02.17.2023 * kinatha ng madaling araw sa aming tinulugang covered court sa Brgy. Tignoan, Real, Quezon * kasama ang makatang gala sa A

Sa Tignoan

Imahe
SA TIGNOAN basketball court muli ang aming tinuluyan malamig na semento'y muling tinulugan bagamat may banig din naman sa pagitan ngunit lamig ay tagos sa buto't kalamnan kanina, dinaanan ang Departamento ng Kalikasan ngunit tila walang tao silang nakausap hinggil sana sa isyu kaya napaaga sa destinasyong ito tanong sa sarili'y ilang basketball court pa sa siyam na araw ang tutulugan pa ba? ngunit ito ang natanggap sa dami nila ito ang binigay, sakripisyo talaga tila kami mga mandirigmang Spartan lalo't bilang namin ay nasa tatlong daan siyam na lang para sa two hundred ninety one na ektaryang masisira sa kabundukan kung matutuloy ang dambuhalang proyekto Sierra Madre'y lulubog sa dam na plano lupang ninuno't katutubo'y apektado sa kakulangan ng tubig, sagot ba'y ito? o proyekto bang ito para sa ilan lang? na pawang elitista ang makikinabang? habang niluluray naman ang kalikasan ah, isyung ito'y akin nang nakatulugan - gregoriovbituinjr. 02.16.2023 *

15 Km. sa umaga

Imahe
15 KM. SA UMAGA umaga pa'y nakalabinlimang kilometro na alas-sais pa lang, naglakad na kami, kay-aga madaling araw nang umulan, kami'y nagising na kaya nang magbukangliwayway ay agad lumarga ilang beses kaming inulan sa dinaraanan kaya basang-basa kami pati kagamitan mabibilis ang lakad, matutulin bawat hakbang narating ang basketball court ng Barangay Tignoan may ilaw man ngunit walang saksakan ng kuryente di maka-charge ng selpon, gayunman, ayos lang kami di lang makapagpadala kay misis ng mensahe at sabihing kami't nasa kalagayang mabuti maagang nagpahinga, maaga kaming dumating alas-dose pa lang, banig ay inilatag na rin habang nadarama ang kaytinding hampas ng hangin anong ginaw ng dapithapon, maging takipsilim - gregoriovbituinjr. 02.16.2023 - kinatha manapos makapanghalian sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, nilakad ay mula Km 129 hanggang Km114

Balikwas

Imahe
BALIKWAS alas-dos ng madaling araw ay napabalikwas sa basketball court, ulan ay bumagsak ng malakas at agad kaming nagsibangon upang makaiwas sa ulan at karamdamang maaaring lumabas mahirap magkasakit, mahaba pa ang lakarin lalo't may tangan kaming adhikain at layunin kaunting idlip lang, alas-tres na'y naligo na rin di na nakatulog, naging abala sa sulatin nang tumingala'y tila maulap ang kalangitan gayong may sumilip na bituing nagkikislapan na tila nagsasabing di matutuloy ang ulan na magandang senyales sa mahaba pang lakaran sana nga sa landasin, ulan ay di sumalubong gayunman, kahit umulan ay di kami uurong - gregoriovbituinjr. 02.16.2023 * kinatha madaling araw ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Pagtatasa

Imahe
PAGTATASA munting pagtatasa matapos ang hapunan gamit ang megaphone ay nagkatalakayan may mga mungkahi't ilang problema naman mabuti't nagsabi, nabigyang kalutasan sinabi ang nadama, walang hinanakit malinaw naman ang adhikain kung bakit kaya pang lumakad, paa man ay sumakit dahil may paninindigang dapat igiit mabubuti naman ang mga payo't puna ang huwag tumawid sa kabilang kalsada sakali mang may matapilok, magpahinga alas-dos ng madaling araw, maligo na maghanda na ng alaxan at gamot ngayon mahaba pa ang lakad bukas at maghapon ihanda rin ang sumbrero pati na payong na minungkahi sa mga nais tumulong naroon kaming nagkakaisang tumindig upang sa madla'y ipakitang kapitbisig simpatya ng publiko sa isyu'y mahamig doon kami binigyan ng tigisang banig may mga tsinelas din daw na ibibigay huwag ding lumabas sa lubid, nasa hanay sa mga senyor na pagod, pwedeng sumakay ikasiyam ng gabi'y natapos itong tunay - gregoriovbituinjr. 02.15.2023 * kinatha sa gabi ng  Alay-La

Sa biglaang pag-ulan

Imahe
SA BIGLAANG PAG-ULAN habang naglalakad ay biglang bumuhos ang ulan  ngunit wala kaming kapote o payong man lamang basang-basa ang buong martsa't walang masilungan sa Barangay Kiloloron na kami inabutan ang mahabang manggas na polo ng aking katabi ay binalabal sa akin ng matandang babae marahil, akala'y katribu't sama-sama kami sa sakripisyo upang maparating ang mensahe balabal ay binalik ko nang inabot sa akin ang isang dahon ng saging na ipinayong namin isang babae'y nagbigay ng plastic bag na itim upang aking sukbit na bag ay agad kong balutin upang di mabasa ng ulan, hanggang sa tumila dalawang katutubong talagang kahanga-hanga dalawang may magagandang puso, sadyang dakila salamat po, di ko malilimot ang inyong gawa - gregoriovbituinjr. 02.15.2023 * kinatha sa gabi ng  Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam  habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Simula ng lakad

Imahe
SIMULA NG LAKAD mula Sulok sa General Nakar na'y nag-umpisa ang aming paglalakad, ikapito ng umaga mga lider-katutubo ang siyang nangunguna sa simbahan ng Nakar, dumalo muna ng misa nagpatuloy ang lakad hanggang bayan ng Infanta sa isang basketball court kami'y nagsitigil muna umupo at nakinig sa inihandang programa maiinit na talumpati'y sadyang madarama matapos iyon, nananghalian na't nagpahinga bandang alas-dos ng hapon muli kaming lumarga tangan ang adhikaing magtatagumpay ang masa na proyektong Kaliwa Dam ay matigil talaga - gregoriovbituinjr. 02.15.2023 * kinatha sa gabi ng  Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam  habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Madaling Araw sa Sulok

Imahe
MADALING ARAW SA SULOK naalimpungatan / sa madaling araw doon sa aplaya'y / sadyang anong ginaw ang papayang buwan / pala'y nakalitaw tunay siyang gabay / sa amin tumanglaw tila baga isang / payapang lakaran ang kakaharapin / kundi man labanan upang ipagtanggol / yaong kalupaan  para sa kanila / ring kinabukasan dinig ang ragasa / ng alon sa dagat habang may ilan nang / gising at nagmulat ramdam ang amihan / o baka habagat tila nagbabadyang / tayo ay mag-ingat kay-agang natulog / bandang alas-nwebe alas-tres na'y gising, / kami na'y nagkape - gregoriovbituinjr. 02.15.2023 3:07am * kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa Sitio Sulok

Pagdatal sa Sulok

Imahe
PAGDATAL SA SULOK ikawalo ng gabi nakarating ng Infanta at agad nagtraysikel sa Sitio Sulok nagpunta upang doon ay magsimula bukas sa aplaya kaylayo ng tinakbo at lubak pa ang kalsada ang Legarda hanggang Infanta'y tatlong daang piso sa bus, higit isandaan tatlumpung kilometro Infanta hanggang Sulok, tantyang kilometro'y pito tatlong daan din sa traysikel, kaymahal din nito at doon kayraming tao na ang aking dinatnan sa maraming kubo sa aplaya, naghuhuntahan may kani-kanilang gamit, kasama sa lakaran talagang handa na sa lakaran kinabukasan sa isang mahabang bangko roon ako naidlip mahangin, maginaw,, habang pag-asa'y halukipkip matagumpay na lakaran ang sa puso'y lumakip at ang kalikasan at lupang ninuno'y masagip - gregoriovbituinjr. 02.14.2023 * kinatha habang nagpapahinga sa  isang bangko * litratong kuha ng makatang gala habang naghahanda para sa Alay-Lakad 

Sa bus

Imahe
SA BUS nakasakay na ako ng bus patungong Infanta eksaktong ikalawa ng hapon ay umandar na naglalakbay ako sa panahong kaaya-aya upang sa isang dakilang layon ay makiisa mula Legarda, pamasahe'y tatlong daang piso mabuti't sa bulsa'y may natatagong isang libo pagbaba'y magta-traysikel, iyon kaya'y magkano papuntang General Nakar na kaylayong totoo mula roon ay siyam na araw naming lakaran na tawag ay Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam. upang iparating ang mensahe sa sambayanan na ayaw nila sa Kaliwa Dam, dapat tutulan dahil ang kalikasan ay mawawasak na sadya dahil ang kanilang lupang ninuno'y masisira baka kinabukasan ng katutubo'y mawala pag proyekto'y natayo, tahanan nila'y mawala - gregoriovbituinjr. 02.14.2023 * selfie bago sumakay ng bus patungong Infanta, Quezon, sa Legarda, Maynila

Paggayak para sa mahabang lakaran

Imahe
PAGGAYAK PARA SA MAHABANG LAKARAN O, kaytagal kong naghintay ng mahabang lakaran at may magandang pagkakataong dapat alayan ng prinsipyo upang ipaglaban ang karapatan sasama sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam matapos sumama mahigit nang isang dekada sa Lakad Laban sa Laiban Dam muling nakiisa upang lupang ninuno't katutubo'y madepensa ngayon, sa isyung Kaliwa Dam naman ay sasama sa paglalakad ay muling tutula't mag-uulat mabatid ang kaibuturan at maisiwalat noon, Lakad Laban sa Laiban Dam ay sinaaklat ngayon, sa Kaliwa Dam ay muling gagawing sukat ngayon ay naggagayak na sa mahabang lakaran tsinelas, twalya, sipilyo, susuutin, kalamnan makakain, inumin, kwaderno, bolpen, isipan halina't sa paglalakad, kami'y inyong samahan - gregoriovbituinjr. 02.14.2023 * ang  Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam  ay magsisimula ng Pebrero 15-23, 2023 mula General Nakar sa Quezon Province hanggang sa Malakanyang * ang litrato ay ang pabalat ng aklat na  Lakad Laban sa Laiban Dam  na nalat

Sa anibersaryo ng kasal

Imahe
SA ANIBERSARYO NG KASAL ikaw ang sa puso'y sinisinta sapagkat tangi kitang ligaya nagkaniig, nagkaisa kita sa hirap man laging magkasama sa anibersaryo niring kasal sa isip ko ngayon ay kumintal na ating pag-ibig ay imortal sa tuwa't dusa man ay tatagal at ngayong Araw ng mga Puso ay patuloy akong nanunuyo ikaw lamang ang nirarahuyo lalamunan man ay nanunuyo anumang danas na kalagayan dalawang pusong nag-unawaan ay naging isa sa kalaunan dahil sa matimyas na ibigan - gregoriovbituinjr. 02.14.2023 * Pebrero 14, 2018 nang ikinasal kami sa kasalang bayan sa harap ng Mayor ng Tanay, Rizal, kung saan 59 na pares ang ikinasal.

Pagpunta sa presscon

Imahe
PAGPUNTA SA PRESSCON paglalakad muli laban sa dam ang paksa ng presscon at nagpasya sasama ako't ipapaalam ang isyu sa mayorya ng masa naglakad na kasi ako noon yaong Lakad Laban sa Laiban Dam isang dekada higit na iyon na pagtutol sa dam ang inasam tagos sa puso ang unang binhi at sa pangalawa'y sasama rin pinakinggan ko ang mga sanhi maraming bayang palulubugin narinig ang mga katutubo sa talumpati nila sa presscon kalikasan at lupang ninuno ay sisirain ng dam na iyon kaya ako'y agad nang nagpasya na sasama muli sa lakaran ang marinig ko sila'y sapat na upang samahan sila sa laban - gregoriovbituinjr. 02.13.2023 * ang litrato'y kuha ng makatang gala sa nasabing presscon

Dalawang Araw ng Puso

Imahe
DALAWANG ARAW NG PUSO Pebrero Katorse, Araw ng mga Puso Setyembre Bente Nwebe, Araw din ng Puso Una'y hinggil sa ating pagsinta't pagsuyo Sunod, puso'y alagaan nang di maglaho Una'y araw ng mga pusong nagniniig Kung saan nadarama'y pintig ng pag-ibig Sunod, pusong alaga'y di basta mayanig Ng cardiac arrest kaya buhay pa'y lalawig Di lamang pag-ibig kundi pangangatawan Ang alalahanin nati't pangalagaan Una'y batid bago pa magkaasawahan Ikalwa'y pag nagsama na sa katandaan Buhay pa rin tayo kapag puso'y nasawi Sa atake sa puso'y dami nang nasawi - gregoriovbituinjr. 02.12.2023 * February 14 is Valentine's Day * September 29 is World Heart ❤️ Day * litrato mula sa google

Sipnayan

Imahe
SIPNAYAN dapat pa ring di maging bantulot sa aritmetika pag sumagot at bakasakaling may mahugot na iskemang sa diwa sumulpot may numerong nakatagong sukat kaya di maisiwa-siwalat ngunit kung atin lang madalumat ay parang babasaging may lamat naririnig ko ang bawat hikbi ng mga numerong inaglahi di batid sila ba'y ngumingiti sa kabila ng nadamang hapdi ngunit sila ba'y numero lamang gayong sipnayan ay nililinang ang bilang nila'y di na mabilang kapara'y gumagapang na langgam - gregoriovbituinjr. 02.11.2023 * litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 11, 2023, pahina 7

Pagninilay

Imahe
PAGNINILAY kaytahimik ng kapaligiran may punong walang kadahon-dahon tila nasa malayong silangan alapaap ay paalon-alon buti't nababahaw na ang sugat habang sa kawalan nakatingin ninais ko nang maisiwalat ang pangyayaring di pa mapansin hanging sariwa ang dumadampi sa pisngi ko't pangang naninigas tila nawala ang damang hapdi ng loob kong nais nang mag-aklas tahimik ngunit di pa payapa pagkat loob pa'y tigib ng luha - gregoriovbituinjr. 02.11.2023

Pagkalos

Imahe
PAGKALOS di man dalumat ang pangungusap pagkat klima't sigwa ang kaharap madadalumat din ang pangarap kung pag-uusapan nating ganap bakit patuloy ang pagdurusa sa ating lipunan ng mayorya wala bang magawa sa burgesya at sa mga mapagsamantala halina't dapat tayong magbuklod upang pagbabago'y itaguyod mag-usap, huwag basta susugod mag-isip kung paano sasakyod sa sistemang bulok na lumumpo sa ating karapatang pantao; maghanda sa pagsuong sa bagyo at kalusin na ang mga tuso na nagpapakabundat ngang sadya sa binarat na lakas-paggawa na di binabayaran ng tama bundat silang talagang kuhila dapat nang tayo'y magkapitbisig at panawagan ay isatinig upang ang mga tuso'y mausig upang mga kuhila'y malupig - gregoriovbituinjr. 02.11.2023

Liwayway

Imahe
LIWAYWAY kaysarap makatunghay ng nobela, sanaysay kwento'y mabasang tunay sa magasing Liwayway pagkat nananariwa ang aking pagkabata nahalina sa tula at ngayon kumakatha buti't may babasahin tulad nitong magasin na binibigyang-pansin ang pagkamalikhain dati ay linggo-linggo bente pesos ang presyo kada buwan na ito at isangdaang piso kahit na nagmahalan ay sinusuportahan pagkat ito'y lagakan ng ating panitikan baya'y di nagsasalat kapag may nag-iingat ng panitikang mulat sa haraya'y dalumat - gregoriovbituinjr. 02.10.2023