Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Nobyembre, 2024

Dapat nang kumayod

Imahe
DAPAT NANG KUMAYOD kumayod, magtrabaho't maging sahurang alipin mga solusyon sa problema'y dapat hagilapin ang buhay ko'y balintuna, aktibista, makata kaysipag tumula gayong walang pera sa tula sa masa'y kumikilos kahit na walang panustos walang pribadong pag-aari, buhay ay hikahos ang ginagawa'y Taliba, tumula't magsalaysay kumatha ng mga kwento't pagbaka'y sinabuhay ngunit ngayon, nahaharap sa problemang pinansyal mga ipon ay di sapat pambayad sa ospital naging tao nang nananalasa'y kapitalismo kumilos upang lipunan ay maging makatao subalit dapat kumayod, paano magkapera ng malaki't may ipon para sa emerhensiya hindi upang yumaman, kundi may ipampagamot kalusugan ay lumusog, at mapatay ang salot subalit sinong tatanggap sa akin sa pabrika? maitatago ko ba ang pagiging aktibista? maglako o magtinda ng gulay o kaya'y taho upang makaipon lang, aba'y di iyon malayo - gregoriovbituinjr. 11.23.2024

Sa ika-32 araw sa ospital

Imahe
SA IKA-32 ARAW SA OSPITAL di pa kami nakalabas dito sa pagamutan walang pambayad, naghahagilap pa ng salapi ngunit hemoglobin ni misis ay kaybaba naman kaya tuloy ang gamutan, isa iyon sa sanhi mahal magkasakit, ah, kaymahal ding maospital mga naipong salapi'y ginastos nang tuluyan ako na'y ligalig, parang hangal, natitigagal kung anong gagawin ng isang tibak na Spartan na nagdurusa sa ilalim ng kapitalismo kaya tumpak lang baguhin ang bulok na sistema ngayon nga'y sinaliksik at binabasa-basa ko yaong akda kina Norman Bethune at Che Guevara anemik, kaybaba ng dugo, paano paglabas ang hemoglobin niya'y paano magiging normal imbes dose ay siyete, paano itataas upang paglabas sa ospital, siya'y makatagal isa itong panahong punong-puno ng pasakit at palaisipang dapat lapatan ng solusyon ako'y sadyang naliligalig na't namimilipit parating na ba ako sa kalagayang depresyon - gregoriovbituinjr. 11.23.2024 * mapapanood ang bisyo sa kawing na:  https://www.facebook.c

Warfarin

Imahe
WARFARIN tila mula sa warfare ang warfarin at kasintunog naman ng 'war pa rin' ngunit ito'y sistema ng pagkain sa ospital anong wastong kainin lalo kay misis, sakit ay kaiba na may namuong dugo sa bituka na doktor ay nabahala talaga kaya kaagad siyang inopera walang kain ng isang linggong higit hanggang unti-unti kumaing pilit di tulad ng kinakaing malimit binigay sa kanya'y warfarin diet pwede lugaw, walang kanin at manok no dark colored, malambot ang malunok may paliwanag bawat tray na alok dapat maunawa, ito'y maarok warfarin, sa bituka yaong digma upang pagalingin ito ng sadya sa pagkain sistema'y tinatama unti-unti, sakit ay mapahupa - gregoriovbituinjr. 11.22.2024

Krosword na Ingles, nasagutan din

Imahe
KROSWORD NA INGLES, NASAGUTAN DIN inaamin ko, nagsaliksik ako sa internet, pagkat sinagutan ko ang palaisipan ng  The New York Times na nalathala sa  The Manila Times krosword sa Ingles ay nabuo ko rin interes dito'y nabigyan kong pansin sa tulong ng internet sayt na  DanWord ay nasagutan ang Ingles na krosword habang nagbabantay pa sa ospital at kalamnan ko't diwa'y napapagal sudoku't krosword na'y naging libangan at Ingles na krosword ay natsambahan di ko akalaing ito'y magawa pagkat sa Pinoy krosword lang nahasa naglilibang sa ganitong panahon bantay kay misis magdamag, maghapon - gregoriovbituinjr. 11.21.2024 * palaisipan mula sa The Manila Times, Nobyembre 21, 2024, p.C3

Book Sale

Imahe
BOOK SALE laking  National  at laking  Book Sale kayraming librong dito'y nabili sa aklat ay di ako mapigil lalo't diyan ako nawiwili ngunit may ulat na magsasara ang  Book Sale  na aking kinalakhan sa  MegaMall , pwesto'y nalipat na sa  Letre 'y   tinanggal nang tuluyan sa  Farmers  at  Fiesta Carnival ang  Book Sale  pa nila'y nakatayo sana patuloy sila't magtagal  sila'y umiral pa't di maglaho sa pagbabasa ako nag-ugat kaya salamat sa mga libro lalo sa  Book Sale , mura ang aklat binili't binabasa-basa ko - gregoriovbituinjr. 11.20.2024 * dalawang unang litrato mula sa mga balita sa fb * ikatlong litrato ay kuha ng makatang gala sa isang Book Sale branch

Paalam, Aegis Mercy Sunot

Imahe
PAALAM, AEGIS MERCY SUNOT taginting ng boses mo'y nanunuot sa puso't diwa'y di nakababagot tinig mong kapanatagan ang dulot subalit wala ka na,  Mercy Sunot kami'y taospusong nakikiramay sa pamilya mo, O, idolong tunay sa Aegis, taospusong pagpupugay sa mga narating ninyo't tagumpay mula nang mapakinggan ko ang  Aegis hinanap ko na ang awit n'yo 't boses ginhawa sa puso'y nadamang labis bagamat nawala na ang vocalist  subalit mananatili ang tinig sa aming henerasyon nagpakilig Mercy , patuloy kaming makikinig sa inyong awit at kaygandang himig - gregoriovbituinjr. 11.20.2024 * litrato mula sa isang fb reel

Meryenda

Imahe
MERYENDA hopya ang nabili ko sa 7/11 sa tapat ng ospital upang meryendahin may handa namang pagkain sa silid namin pag di kinain ni misis, akong kakain anumang sandali, pag ako'y nagutom na maghahanap na ako kung anong meryenda iiwang walang bantay si misis tuwina lalabas ng ospital, tawid ng kalsada pangdalawampu't siyam na araw na rito mamaya, gagawin sa kanya'y panibago endoscopy at colonoscopy raw ito na sana sa colon cancer ay negatibo animo, hopya yaong sa amin ay saksi sa kwartong iyon, hopya ang aking kakampi habang di palagay, sa ligalig sakbibi di panatag ang loob sa araw at gabi - gregoriovbituinjr. 11.20.2024

Pagngiti

Imahe
PAGNGITI palaging ngumiti, ang payo sa cryptogram na isang palaisipan sa pahayagan dahil búhay daw ay isang magandang bagay at kayraming dapat ngitian nating tunay cryptogram ay sinasagutan sa ospital habang nagbabantay sa asawa kong mahal higit tatlong linggo na kaming naririto bukod sa pagtula, libangan ko'y diyaryo ang pinayo ni  Marilyn Monroe  sa atin tayo'y laging ngumiti, oo,  Keep Smiling subalit sa sakit ni misis ba'y ngingiti ngingiti sa labas, loob ay humihikbi makahulugan ang payo ng seksing aktres ngumingiti ako pag kaharap si misis upang ngiti rin niya'y aking masilayan kahit siya'y nasa banig ng karamdaman - gregoriovbituinjr. 11.19.2024 * "Keep smiling, because life is a beautiful thing and there's so much to smile about." ~ Marilyn Monroe * larawan mula sa pahayagang Philippine Star, Nobyembre 19. 2024, pahina 9

Barya lang po sa umaga

Imahe
BARYA LANG PO SA UMAGA nakasulat: /  barya lang po  /  sa umaga habang aking / tinatanaw / ang pag-asa na darating / din ang asam / na hustisya lalo't iyon / ang pangarap / nitong masa habang sakay / ng traysikel / ay nagtungo roon upang / tupdin yaong / pinangako naglilingkod / pa ring buo / ang pagsuyo  inaasam / na di basta / lang maglaho  mapanatag / ang kanilang / puso't diwa sa maraming / isyu't asam / ay ginhawa kasama ng / maralita't / manggagawa  kapitbisig / sa layunin / at adhika may  "feet off please"  / pang kanilang / bilin dito kaya ito'y / sinunod ko / ngang totoo buti't bulsa'y / may barya pang / naririto pinambayad / sa drayber ng / sinakyan ko - gregoriovbituinjr. 11.19.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/vXzAaYN0fk/  

Sa mga nag-ambag ng tulong

Imahe
SA MGA NAG-AMBAG NG TULONG sa panahong ito ng kagipitan ay naririyan kayong nag-ambagan nagbigay ng inyong makakayanan nang lumiit ang aming babayaran magmula petsa Oktubre Bente Tres nasa ospital na kami ni misis na sa kanyang sakit ay nagtitiis dal'wampu't pitong araw na, kaybilis bagamat nangyari'y nakaluluha sakit ay tinitiis niyang sadya ay gagawin ko ang kayang magawa upang sakit niya'y di na lumala tulad ng paghinging tulong sa inyo pati paglalakad ng dokumento sa mga pulitiko, PCSO sa ibang malalapitang totoo sa lahat ng nag-ambag ng tulong po pasasalamat nami'y buong-buo nang si misis sa sakit ay mahango pasasalamat nami'y taospuso - gregoriovbituinjr. 11.18.2024

Dagdag dugo muli

Imahe
DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya isang bag pa ng dugo'y isinalin pandalawampu't limang araw namin doon sa ospital, at nagninilay pa rin ngayon  bakit ba laging mababa ang antas niyon kaya ngayon, muling ginawa'y blood transfusion  umaasa pa ring gagaling din si misis mula sa sakit niyang kaytagal tiniis problemang kinakaya kahit labis-labis animo'y tinik sa dibdib na di maalis kalagayan ni misis nawa'y bumuti na at hemoglobin niya'y mag-normal na sana - gregoriovbituinjr. 11.17.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/vVGAOey08J/  

Palaisipan at payo

Imahe
PALAISIPAN AT PAYO lahat ng problema'y may kasagutan kumbaga sa tanong, sinasagutan tulad din ng mga palaisipan salita'y hanapin ang kahulugan nagpapayo sa mga problemado bata, matanda, karaniwang tao bigyang tugon ang mga tanong nito na pinag-iisipan ding totoo sa payo't palaisipan, salamat pagkat kayrami nang nadadalumat samutsaring damdamin, dusa, sumbat ligalig, lungkot, paghihirap, gulat tara, krosword ay atin ding laruin pagkat ito'y malaking tulong na rin baka payo nila'y payo sa atin talastasan itong dapat alamin - gregoriovbituinjr. 11.17.2024 * litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 17, 2024, p.10

Pagtula habang nasa ospital

Imahe
PAGTULA HABANG NASA OSPITAL inaaliw ko ang sarili sa pagtula sa ospital, kay misis ay nagbabantay pa dito sa silid ay maraming nakakatha suwero, higaan, pagkain, medisina pati na samutsaring terminong medikal ay nababatid pag doktor ay pinakinggan na mga salitang ngayon ay inaaral at aking isinasalin sa panulaan ano ang blood clot, blood transfusion, blood extraction infection of blood, bakit malapot ang dugo matindi rin ang lagi niyang menstruation  na madalas sa pad ang dugo'y buo-buo bituka'y barado, inoperahan siya hemoglobin niya'y syete, imbes na dose rare case, ang sabi ng mga doktor sa kanya nakikinig na lang ako't walang masabi - gregoriovbituinjr. 11.17.2024

Sputum at rectum

Imahe
SPUTUM AT RECTUM maraming terminong medikal ang natutunan sa ospital halimbawa nito'y sputum at laging narinig na rectum na plema pala ang sputum habang rectum naman ay tumbong sinusuri ang ihi't dumi anong kulay ng plema't tae naalala ko sa sputum at rectum ang Rerum Novarum na noon pa'y nababatid ko sulat ng Papa sa obrero kaya sa tagal sa ospital kayraming salitang medikal ang akin nang natututunan lalo't ospital na'y tahanan iyang thrombosis of the portal splenic and mesenteric veins acquired hospital pneumonia bacteria, anemia, mayoma blood extraction , mga termino pang ngayo'y inuunawa ko habang nakabantay kay misis na sa sakit ay nagtitiis - gregoriovbituinjr. 11.17.2024

Hustisya sa biktimang taga-UP

Imahe
HUSTISYA SA BIKTIMANG TAGA-UP kahindik-hindik ang nangyari sa isang staff mula UP na dahil sa bugbog at palo buhay ng biktima'y naglaho nobyo ang pangunahing suspek biktima'y nagtamo:  traumatic  blunt injuries  sa dibdib, leeg balitang nakapanginginig nasabing magkatipang iyon  magkasama raw sa La Union bago pa umakyat ng Benguet subalit nangyari'y kaylupit  ang sigaw natin ay hustisya hustisya'y kamtin ng biktima katarungan sa binibini hustisya sana'y hindi bingi - gregoriovbituinjr. 11.15.2024 * ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Nobyembre 15, 2024, pahina 1 at 2

Ang kadakilaan, ayon kay Mike Tyson

Imahe
ANG KADAKILAAN, AYON KAY MIKE TYSON  dalawang larawan ang naroong ipinakita si  Floyd Mayweather  na bodyguard ang mga kasama at si  Manny Pacquiao  na napalibutan ng masa  habang nasa gitna yaong sinabi ni  Mike Tyson hinggil sa kadakilaan, kaygandang laman niyon na pag pinagnilayan mo'y kaybuting nilalayon sinong dakila, sino nga ba ang tunay na baliw anang isang awiting Pinoy na nakakaaliw at mababatid sa masa sino ang ginigiliw si  Mike Tyson  ang isa sa mga iniidolo sa heavyweight ng isports na boxing sa buong mundo  sinabi niyang iyon ay pinagtiwalaan ko na ang pagiging dakila'y pagkilala ng bayan at di pagsanggalang ng sarili sa mamamayan salamat,  Mike , sa kahulugan ng kadakilaan  - gregoriovbituinjr. 11.16.2024 * litrato mula sa fb page ng Boxing TV * Mike Tyson: "Greatness is not guarding yourself from the people; greatest is being accepted by the people."

Laro sa app game ng selpon

Imahe
LARO SA APP NG SELPON habang nagbabantay sa ospital  sa selpon ay naglalaro ng app nang di mainip o matigagal madaling araw o gabing ganap pinaglalaro muna ang isip di makatulog, nais humimbing kung anu-ano ang nalilirip na nais tulain habang gising nagninilay habang naglalaro habang minsan ay nakatulala sa laro't utang ba'y mahahango isipin anong dapat magawa  at pag may nanilay sa maghapon ay tiyak may tulang laan doon  - gregoriovbituinjr. 11.16.2024 * litrato mula sa app game na Twisted Rope, Level 29

Banderang Tad-Balik

Imahe
BANDERANG TAD-BALIK sa isang rali ko iyon nakunan baliktad ang watawat ng samahan pinuna agad ang mga may tangan kaya agad nilang inayos naman baka sa rali nababaguhan pa sa init ng araw pinayong nila unang beses tumangan ng bandera subalit handa sa pakikibaka  sila'y pinakiusapan lang natin di sinigawan maging sila'y lumpen ang mahalaga sila'y nakinig din silang kaisa sa ating mithiin baliktad man yaong sa KPML ang layunin nila'y di mapipigil na sa puso't diwa nakaukilkil  na ang bulok na sistema'y masupil - gregoriovbituinjr. 11.16.2024 * litratong kuha ng makatang gala sa isang rali sa Commonwealth Avenue, Lungsod Quezon, kasabay ng panawagang Climate Emergency, Nobyembre 15, 2024 ng umaga * KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod

Ligalig

Imahe
LIGALIG  Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO. Hihingi sana ako ng tulong sa PCSO dahil malaki na ang hospital bill sa ospital. Nakaratay si misis doon. Subalit sabi ng gwardya, wala na ang PCSO roon since pandemic. Nabigla ako. Saan lumipat, tanong ko. Sa Shaw Blvd sa Mandaluyong. Kaya agad akong lumabas sa Lung Center, sumakay ng dyip hanggang Edsa. Agad sumakay ng MRT patungong Shaw Blvd. Pagdating sa Manuela na ngayon ay Star Mall, sa terminal ng dyip, tinanong ko sa driver saan ang PCSO. Mga 250 meters lang, pwede mong lakarin. Ah, kaya hindi na ako sumakay ng dyip. Nilakad ko na lang. Hanggang matanaw ko ang gusaling may malaking nakasulat na PCSO. Pasadong alas-singko na ako nakarating. Pinadaan ako sa likod ng PCSO, habang may gwardya rin sa harap. Nabigyan ako ng guard ng stub number 4. Ibig sabihin, pang-apat ako sa pila. Sinabi rin ng guard na walang walk-in. Nakupo. walk-in ako. A

Pabahay at karapatan, pinaglaban ni Ka Edwin

Imahe
PABAHAY AT KARAPATAN, PINAGLABAN NI KA EDWIN mahahalagang isyu ang ipinaglaban ni Ka Edwin: ang pabahay at karapatan nais niya'y maayos na paninirahan at maitayo ang makataong lipunan di dapat maagrabyado kahit dukha man mga nanay ng na-EJK, tinulungan naaapi'y tinuruan ng karapatan ipinaglaban ang hustisyang panlipunan mabuting kakosa, mabuting kaibigan sa mga nakasalamuha n'yang lubusan sa PhilRight, ZOTO, KPML, PLM man TFD, Ex-D na kanyang pinamunuan taaskamaong pagpupugay, comrade Edwin daghang salamat sa pinagsamahan natin sa marami, bayani kang maituturing mga pinaglaban mo'y itutuloy namin - gregoriovbituinjr. 11.12.2024 * ito ang ikalawang tulang binasa ng makatang gala noong lamay ng Nobyembre 12, 2024 * kuha ng isang kasama ang litrato sa isang pulong ng Ex-D sa Sampaloc, Maynila * EJK - extrajudicial killings * ZOTO - Zone One Tondo Organization * KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod * PLM - Partido Lakas ng Masa * TFD - Task Force Detainees (o

Infusion complete

Imahe
INFUSION COMPLETE pag tumunog na ang aparato "infusion complete" , ang sabi rito ang nars ay agad tatawagin ko dextrose na'y tatanggaling totoo kayraming suwerong nakakabit kay misis, tila paulit-ulit mga pasa sa braso'y malimit turok dito't doon, anong sakit patuloy lang akong nagbabantay sa ospital, dito naninilay ang maraming tula't bagay-bagay sana'y gumaling na siyang tunay pandalawampu't isang araw na namin sa ospital, umaasa akong siya'y gagaling talaga sa sakit na dinaranas niya - gregoriovbituinjr. 11.12.2024 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/vOmcTYVzly/  

Pagpupugay kay kasamang Edwin

Imahe
PAGPUPUGAY KAY KASAMANG EDWIN taaskamaong pagpupugay, comrade Edwin na higit dalawang dekada ang nagdaan noong dumalaw kayo ni Omar sa akin habang hinihimas ko'y rehas sa piitan tandang-tanda ko pa ang pangyayaring iyon sa piitan tayo unang nagkakilala hanggang dumating din ang asam na panahon  ng paglaya't muling naging lingkod ng masa  sa Ex-D Initiative, ako'y niyaya mo sa grupo ng dating political prisoners at doon kumilos, aktibong naging myembro sigaw natin:  Free All Political Prisoners! pagpupugay, Ka Edwin, sa iyong pagpanaw  isa kang inspirasyon sa mga kauri ang mga nagawa mo'y magsisilbing tanglaw  paalam, Kasamang Edwin, hanggang sa muli - gregoriovbituinjr. 11.12.2024

Bone marrow biopsy

Imahe
BONE MARROW BIOPSY isinagawa kagabi ng mga doktor yaong bone marrow biopsy sa aking misis bone marrow pala'y bulalo ng ating buto pangatlong testing na iyon sa isyung blood clot o pamumuo ng dugo na nagbara na sa kanyang mga bituka di makapasok ang nutrients at oxygen baka mabulok ang ilang mga bahagi niyong bituka pag di agad naagapan nag-surgery na hanggang ngayon di pa batid ng mga doktor ang sanhi bakit nag-blood clot sa may bituka negative ang unang testing at pangalawa ikatlo pag nag-positive matutukioy na ang sanhi ng pagba-blood clot nang malapatan na ng kaukulang lunas upang si misis ay gumaling na sa sakit na dinaranas - gregoriovbituinjr. 11.11.2024

Salà ng ina

Imahe
SALÀ NG INA ano kayang klase siyang ina? na binugaw ang apat na anak na edad dalawa, apat, anim at panganay na labingdalawa paglabag na iyon sa  OSAEC o batas na  Online Sexual Abuse and Exploitation of Children , bakit niya nagawa'y salang kaylupit  sadyang kawawa ang mga bata  sa nakagugulat na balita  sa hirap ng buhay, ang nagawa ng ina'y krimen, kaytinding salà paano pag anak na'y lumaki? sila kaya sa ina'y kakampi? ang ina ba nila'y masisisi? o salang ito'y isasantabi - gregoriovbituinjr. 11.10.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, 11.10.2024, p.2

Hemoglobin

Imahe
HEMOGLOBIN nang dinala ko na sa ospital si misis mababa na pala ang kanyang hemoglobin terminong iyon ay noon ko lang narinig red blood cell na'y di makabigay ng oxygen maraming terminong dapat kong matutunan nang maunawaan ang mga kahulugan terminong medikal na dapat kong malaman upang si misis ay aking maalagaan limang punto lamang ang hemoglobin niya ang normal pala niyon ay labingdalawa unang linggo pa lang, ilang bag ng dugo na sa mga testing, nakitang anemic siya at kagabi, muling sinalinan ng dugo si misis, ako naman ay nakatalungko ramdam ko ang kanyang pagdurusa't siphayo minamasdan ko siya't talagang hapong-hapo - gregoriovbituinjr. 11.09.2024 * litratong kuha sa ika-18 araw namin sa ospital

Salin ng tula ni Charlie Chaplin

Imahe
SALIN NG TULA NI CHARLIE CHAPLIN Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Nilason ng kasakiman ang diwa ng tao, na binarikadahan ng poot ang daigdig, na ala-gansang hinakbangan tayo sa dusa't pagdanak ng dugo. Nakagawa tayo ng mabilis, subalit sarili natin ay ipiniit. May makinaryang ang bigay ay kasaganaan ngunit nilulong tayo sa pangangailangan. Ginawa tayong mapanlait ng ating nalalaman; ang ating talino, matigas at hindi mabait, Labis tayong nag-iisip at kaunti ang nararamdaman. Higit pa sa makinarya, kailangan natin ang sangkatauhan. Higit pa sa talino, kailangan natin ng kabutihan at pagkamahinahon. Kung ang mga katangiang ito'y wala buhay ay magiging marahas at lahat ay mawawala. ~ Charlie Chaplin * ang mga litrato ay mula sa isang fb page 11.08.2024 Si Sir Charles Spencer Chaplin, Jr., KBE (Abril 16, 1889 – Disyembre 25, 1977), mas kilala bilang Charlie Chaplin, ay isang Ingles na komedyanteng aktor at tagagawa ng pelikula na nagkamit ng mga parangal sa Academy Awards.

Barya lang po sa umaga

Imahe
BARYA LANG PO SA UMAGA nagtraysikel ako upang puntahan ang pinapakay sa isang tanggapan upang pagamutan ay mabayaran upang hirap ng loob ay maibsan nag-aayos ng mga dokumento para sa guarantee letter na ito pupuntahan ang mga pulitiko DSWD at PCSO nasa ospital pa kasi si misis dahil sa sakit niyang tinitiis sa ospital ay maagang umalis kaya dapat pagkilos ko'y mabilis buti't sa bulsa ko'y may mga barya ika nga, "barya lang po sa umaga" ang aking misis nawa'y gumaling na sabi, habang may buhay, may pag-asa - gregoriovbituinjr. 11.08.2024 * kuha ang litrato, Nobyembre 7, 2024

Babantayan kita magdamag

Imahe
BABANTAYAN KITA MAGDAMAG mahal ko, ako'y narito lang upang punan ang pagmamahal di man ngayon makapaglibang dahil narito sa ospital gagawin ko ang makakaya kahit ikaw ay nahihimbing patuloy pa ring umaasa na ikaw talaga'y gagaling habang nariyang nakaratay tandaang naririto ako hindi magsasawang magbantay sa ospital para sa iyo nawa'y lalagi kang matatag nang gumaling na't mapanatag - gregoriovbituinjr. 11.07.2024

Tricyle blg. 001

Imahe
TRICYCLE BLG. 001 bilang 001 ang tricycle kong nasakyan ibig sabihin una siya sa listahan naisip ko ngang 007 ay abangan parang James Bond 007, lilitratuhan at gagawan ko iyon ng mahabang tula marahil maikling kwento o kaya'y dula na sinakyan iyon ng mga manggagawa na serbisyo sa bayan ay mahaba-haba natsambahan ko lamang makasakay doon habang tinatrabaho yaong nilalayon habang nararamdaman sa sikmura'y gutom habang wala nang oras sa paglilimayon tricycle 001 at James Bond 007 nakakatuwang karanasan na sa akin tricycle 007 sana'y masakyan din upang may tula't kwento akong kakathain - gregoriovbituinjr. 11.06.2024 * kuha sa tricycle na nasakyan ng makatang gala, Nobyembre 6, 2024

Pang-14 na araw na namin sa ospital

Imahe
PANG-14 NA ARAW NA NAMIN SA OSPITAL hanggang ngayon, nagbabantay pa sa ospital kay misis na nakaratay na ng matagal panglabing-apat na araw na namin dito ang asam ko'y gumaling na siyang totoo ako ang bantay dahil ako ang asawa at ang mahalaga ay lalakarin ko pa ang dokumento upang humingi ng tulong sa ilang ahensyang maaaring tumugon salamat din kay  Regine  na kasama niya sa trabaho na umaasiste talaga halinhinan kami sa pagbantay kay  Libay na kapara ng ilaw sa gabi'y patnubay kaytindi na ng sakit niyang tinitiis na sa pang-apat na araw siya'y tinistis ng mga doktor pagkat malapot ang dugo na nagbabara sa bituka, ay, nakupo sana'y umalwan na ang kanyang pakiramdam at gumaling nawa sa kanyang karamdaman lahat ng asam na tulong sana'y dumating at si misis sa kanyang sakit na'y gumaling - gregoriovbituinjr. 11.05.2024

Abito at sotana

Imahe
ABITO AT SOTANA akala ko'y pareho ang abito at sutana subalit sa palaisipang ito'y magkaiba Siyam Pababa: Damit ng pari; Sagot: Abito na kaiba naman sa Damit ng sakristan dito Apatnapu't Isa Pahalang: Damit ng sakristan Sagot: Sotana;  magkaiba nga ng kahulugan subalit sa ibang palaisipan, ang sotana at abito ay magsingkahulugan sa kanila na sa palaisipang ito'y pinag-ibang sadya kaya may bagong natutunan ang abang makata ang pari at sakristan ay may magkaibang baro kahit parehong puti ay agad mong mahuhulo ang sotana'y sa sakristan, ang abito'y sa pari sa mga kahulugan ay may bagong nahahawi dagdag-kaalaman at paglalaro ng salita na magagamit sa sanaysay, kwento't ibang akda - gregoriovbituinjr. 11.05.2024 * mula sa pahayagang Pang-Masa, Nobyembre 5, 2024, p.7

Kwentong manananggal

Imahe
KWENTONG MANANANGGAL may multong sa kanya'y nagtanong: "bakit ka kalahating multo?" at ang sagot niyang pabulong: "noon ay manananggal ako" napakapayak ng istorya ng nagmumultong manananggal  kaya pala namatay siya ay di nakita ang natanggal niyang kalahating katawan nang minsang sumikat ang araw wala na siyang nabalikan at siya'y tuluyang nalusaw sa komiks man ay patawa lang ni Mang Nilo na nagsalaysay kwento ng kaibang nilalang ngunit may lagim yaong taglay - gregoriovbituinjr. 11.04.2024 * komiks istrip mula sa pahayagang Pang-Masa, Nobyembre 2, 2024, p.7

Na-redtag sa ospital

Imahe
  NA-REDTAG SA OSPITAL akala ko'y sa pulitikal na gawain lamang maaaring ma-redtag, pati pala sa ospital pag halagang kalahati'y di agad nabayaran iyan ang naranasan namin nang dito'y tumagal pag redtag ka, lahat ng gamot ay bibilhin mo na kahit madaling araw ay gigising ka talaga paano kung disoras ka maghahanap ng pera upang makabili ng kailangan sa parmasya isa itong karanasang sadyang masalimuot lalo't pakiramdam ko'y para bang binabangungot lalo't mister ng pasyente'y tibak na walang sahod napupuyat, walang tulog maghapon at magdamag sa kalagayan ni misis dapat magpakatatag lalo't hanggang dito sa ospital pa'y nare-redtag - gregoriovbituinjr. 11.04.2024

Himaton ay YOU at YOUR

Imahe
HIMATON AY YOU AT YOUR sa cryptogram na palaisipan YOU  at  YOUR  ang himaton ko o clue imbes  THE  o  THEM  ang kasagutan dahil sinilip ang angkop dito salamat sa dyaryo't may libangan at pinagkakaabalahan ko pag nagbabantay sa pagamutan kay misis na naopera rito kaysarap laruin ng cryptogram  na pampatalas ng ating ulo na talaga mong kagigiliwan pampatay-inip at ehersisyo - gregoriovbituinjr. 10.03.2024 * "When you change your thoughts, remember to also change your world." ~ Norman Vincent Peale * mula sa Philippine Star, Nobyembre 3, 2024, p.2

Makakalikasang supot ng botika

Imahe
MAKAKALIKASANG SUPOT NG BOTIKA bumili ako ng bitamina doon sa  Mercury Drug  kanina supot na papel nila'y kayganda at may tatak pang-ekolohiya magandang paalala sa atin upang mga itatapon natin plastik man iyon o papel man din ay sa maayos natin dadalhin Reduce, Reuse, Recycle  ang tatak paalala itong munti't payak na dapat namang maging palasak nang basura'y di magtambak-tambak salamat at may abisong ganyan na talagang pangkapaligiran na sana'y sundin ng mamamayan para rin sa ating kabutihan - gregoriovbituinjr. 11.03.2024

18,756 ang inabusong bata noong 2023

Imahe
18,756 ANG INABUSONG BATA NOONG 2023 Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa Philippine Star na may petsang Nobyembre 2, 2024, may dalawang sulatin hinggil sa karapatan ng mga bata. Ang una, na nasa pahina 4, ay pinamagatang  "18,756 children's rights violations recorded in 2023 " at ang Editoryal na nasa pahina 8 ay may pamagat namang  "Protecting Children" . Narito ang apat na unang talata ng balita, na malaya nating isinalin sa wikang Filipino: "Over 18,000 reports of child violations have been documented in the country for 2023, a majority of which were cases of rape and acts of lasciviousness, the Council for the Welfare of Children (CWC) said yesterday. Based on the records of the Philippine National Police-Women and Children Protection Center, a total of 18,756 reports of child violation were logged for the year 2023. Of this number, 17,304 were “rape and acts of lasciviousness.” “Since 2016, these are the top violations committed agai