Biyernes, Hunyo 4, 2021

Sino si Florentino Collantes?

SINO SI FLORENTINO COLLANTES?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan lang, habang naglalakad galing sa U.P. Diliman papuntang Katipunan ay napadaan ako sa F. Collantes St. na nasa Barangay Loyola Heights sa Lungsod Quezon kaya agad akong nag-selfie sa karatula ng lansangang ito. Ipinangalan ang kalsadang iyon sa makatang Florentino Collantes na naging Hari ng Balagtasan nang talunin niya noon ang idolo ko ring makatang Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus.

Tulad ko, mahilig din sa tula at pagtula si Florentino Collantes. Isa siyang dakilang makata. Nakilala ko ang makatang Florentino Collantes dahil sa kanyang anak na si Mam Loreto Collantes Cotongco na isa sa tatlong adviser namin sa aming campus paper sa kolehiyo. Ang dalawa pa'y sina Mam Romana Tuazon at Mam Cecilia Angeles.

Kaya nang makita ko sa National Book store ang pangalang Florentino T. Collantes ay agad kong binili ang aklat niya ng mga tula na pinamagatang Ang Tulisan at iba pang Talinghaga.

Bukod sa siya'y ama ng aming adviser sa diyaryong pangkampus, si Florentino Collantes ay kinilala ring duplero noong kanyang panahon. Kinilala rin siya bilang Ikalawang Hari ng Balagtasan. Ayon sa pananaliksik, gumamit siya ng sagisag na Kuntil Butil sa kanyang pagsusulat ng mga mapanudyong tula na may pamagat na Buhay Lansangan.

Katulad ko rin siyang ang horoscope ay Libra. Isinilang si Collantes noong Oktubre 16, 1896.

Sinasabi ng ibang sa pagbigkas ng tula ay may sarili siyang paraan na sinasabing tatak Collantes. Sinipi ko ang sinasabi sa Wikipedia hinggil sa kanya: "Ang kanyang mga tulang nasulat ay inuri sa tatlo - tulang liriko, tulang pasalaysay at tulang pambalagtasan. Higit na kinilala ang kanyang kahusayan sa pagsulat ng mga tulang pasalaysay. Halimbawa ng kanyang mga tulang liriko ay Ang Magsasaka, Pangaral sa Bagong Kasal, Patumpik-tumpik; sa tulang pasalaysay naman ay Lumang Simbahan at Ang Tulisan; sa pambalagtasan naman ay ang Balugbugan, Aguinaldo vs. Quezon, isang tulang pantuligsa sa larangan ng politika. Ang mga tula ni Collantes ay halos tungkol sa tao kaya karaniwan at madaling unawain."

"Bata pa lamang siya ay mahilig na siyang magbasa ng awit at korido at naisaulo niya ang buong pasyon. Sa gulang na 15 taon ay nagsimula na siyang tumula at sumulat sa mga pahayagang Buntot Pagi, Pagkakaisa, Watawat, Pakakak at iba mga babasahin. Siya ay kapanahon ni Jose Corazon de Jesus at mahigpit niyang kaagaw sa pagiging Hari ng Balagtasan. Binawian siya ng buhay noong 1951 sa gulang na 55."

Ayon naman sa The Kahimyang Project:

Today in Philippine History, October 16, 1896, Florentino Collantes was born in Pulilan, Bulacan (Posted under October Historical Events)

On October 16, 1896, Florentino Collantes, one of the Filipino poets who spearheaded the revival of the Tagalog Literature, was born in Pulilan, Bulacan to Toribio Collantes of Baliwag, Bulacan and Manuela Tancioco of Pulilan.

Collantes was among the group who organized the first Balagtasan in 1925 in commemoration of the birth anniversary of Tagalog poet Francisco Balagtas Baltazar on April 2, 1925. Held in Tayuman, Manila, four days of Balagtas' birth anniversary, the first ever Balagtasan included writers Rosa Sevilla and Jose Corazon de Jesus.

Florentino Collantes and Corazon de Jesus emerged as the most popular among several pairs of poets who joined the literary joust debating the subject "Bulalak ng Lahing Kalinis-linisan" (Flower of the Pure Race). Although Collantes was not acclaimed as “Hari ng Balagtasan” (King of the Balagtasan) which De Jesus bagged, he gained national fame as a poet.

Collantes' most memorable work, “Ang Lumang Simbahan”, became so popular that he expanded it into a novel which was later turned into a movie starring actress Mary Walter. The movie has been acclaimed as a classic in the Philippine Cinema.

His interest in poetry led him to write for the defunct Tagalog publications Buntot Pagi, Pagkakaisa at Watawat.

His other works that are now taught in schools all over the country are “Ang Magsasaka” (The Farmer), "Pangarap sa Bagong Kasal" (Dream for the Newly-Weds), “Mahalin ang Atin” (Love Our Own), “Ang Tulisan” (The Bandit), and “Ang Labing Dalawang Kuba” (The Twelve Hunchbacks).

Collantes died on July 15, 1951 at the age of 55, leaving behind his wife Sixta Tancioco and eight children. The year before his death, Collantes was conferred the title “Makata ng Bayan” (Poet of the People) by President Elpidio Quirino on July 4, 1950. References: Philippines News Agency

Mapalad akong nakadaupang palad ang kanyang anak na si Mam Loreto C. Cotongco na isa sa aming adviser sa pahayagang pangkampus, bagamat hindi ang mismong makatang Collantes. Si F. Collantes nga'y sadyang magaling na makatang habang binabasa ko ang ilan niyang tula ay tila baga siya'y gabay na liwanag sa bawat tula kong kinakatha.

Ang natatangi niyang aklat na Ang Tulisan at iba pang Talinghaga ay talaga kong pinakaiingatan. Dahil bukod sa ito'y collector's item ay bihira na itong makita sa mga book store, o marahil ay ubos na. At kayamanan nang maituturing ang aklat na iyon, na mabuti't nagpasiya akong bilhin iyon kahit na may kamahalan iyon noon.

Mabuhay ka, makatang Florentino T. Collantes, ikalawang Hari ng Balagtasan!

Pinaghalawan:
https://tl.wikipedia.org/wiki/Florentino_Collantes
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1312/today-in-philippine-history-october-16-1896-florentino-collantes-was-born-in-pulilan-bulacan

Kambal na kampanyang Human Rights at Social Justice

KAMBAL NA KAMPANYANG HUMAN RIGHTS AT SOCIAL JUSTICE

di lamang human rights ang dapat isaalang-alang
kundi social justice ding dapat makamit ng bayan
habang ipinagtatanggol natin ang karapatan
ay ipaglaban din ang katarungang panlipunan

di lang karapatang pantao'y dapat respetuhin
higit sa lahat, mga maysala'y dapat singilin
ang may utang na dugo sa bayan ay panagutin
bu-ang na may atas ng krimen ay dapat singilin

ikampanyang igalang ang karapatang pantao
igalang ang wastong proseso o due process of law
upang marinig ng bayan at ng mga berdugo
upang panlipunang hustisya'y kamtin ding totoo

human rights at social justice nga'y kambal na kampanya
sa Konstitusyon, may probisyong magkasama sila
na dapat mapag-aralan at mabatid ng masa
na dapat ding unawa natin sa pakikibaka

halina't isigaw ang human rights at social justice
at sa mga pagsasamantala'y huwag magtiis
kambal na kampanyang ito'y dapat bigyan ng hugis
nang huminahon ang mga bagang na nagtatagis

- gregoriovbituinjr.06.04.2021

Kung nagkakasabay ang pulong at tungkulin

KUNG NAGKAKASABAY ANG PULONG AT TUNGKULIN

lahat na yata ng pamamaraan, gagawin ko
upang magampanan ang mga tungkuling totoo
kung sakaling magkasabay-sabay ang pulong nito
dapat pag-isipan kung ang uunahin ko'y sino

lahat na yata ng dahilan ay aking gagawin
upang madaluhan ang pulong na mahalaga rin
kahit isa'y masakit sa loob balewalain
kaya hangga't kaya ay huwag itong pagsabayin

pawang magkasinghalagang dapat kong madaluhan
pagsabayin ang mga pulong ay pakaiwasan
isang aral sa aking dapat kong pakatandaan
isang aral sa lahat na dapat pakatandaan

kaya maraming salamat sa nakakaunawa
sa mga tungkuling ginagampanang matiyaga
pinaghuhusayan kahit anong hirap ang gawa
basta ba walang bibitaw sa dakilang adhika

tinanggap natin ang pwesto kaya gampanang husay
tinanggap itong tungkuling bahagi na ng buhay
punong-puno man ng hamon yaring tungkuling tunay
muli, sa lahat ng nakakaunawa, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.04.2021

* litratong kuha mula sa ZOTO Day Care Toweville

Huwebes, Hunyo 3, 2021

Ang makatawag-pansing kasabihan sa dyip

ANG MAKATAWAG-PANSING KASABIHAN SA DYIP

naroon sa likod ng drayber ng dyip na nasakyan
ay may nabasa na namang nakita kong may laman
sinabi'y "Ang umiwas sa away ay karangalan
mangmang ang palaaway" sinabing kasunod naman

aba'y tumpak, karangalan ang umiwas sa kaaway
ngunit napukaw ako sa "mangmang ang palaaway"
tila ba nakaisip nito'y talagang mahusay
o kaya'y patutsada sa nang-aaway na tunay

pinag-isipang mabuti ang kasabihang ito
paano akong may ipinaglalabang prinsipyo
kahinahunan, di galit, ang dapat gawing wasto
sa bawat problema'y maging mahinahong totoo

ah, iyon nga ang susi sa kapayapaang asam
maging mahinahon kung anuman ang pagkukulang
makipagkapwa-tao't karapatan ay igalang
problema'y isiping may katapat na kalutasan

makabagbag-damdamin ang nasabing karatula
huwag daanin sa away ang anumang problema
lalo't dapat umiral ay panlipunang hustisya
salamat po sa nagsulat sa kanyang paalala

- gregoriovbituinjr.
06.03.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa isang dyip niyang nasakyan

Nabili kong klasikong apat na aklat pampanitikan






NABILI KONG KLASIKONG APAT NA AKLAT PAMPANITIKAN

Marahil sa iba'y mga basura lang ang mga ito. Walang kwenta. Kaya sayang lamang ang aking perang dapat ibinili na lang ng pagkain. 

Subalit para sa mga tulad kong panitikero, mga mahahalagang hiyas ito ng karunungan na dapat lang pag-aksayahan ng pera. Mga collector's item ang mga ito na hindi basta makikita sa simpleng bookstore lang. Lalo na't mga klasiko ang mga ito. Sino ba ang mag-aakalang mabibili ko ang nag-iisang aklat na Orozman at Zafira ni Francisco Balagtas sa bilihan ng aklatang iyon? Pati na ang klasikong aklat ng balarila ni Lope K. Santos? Hinahanap-hanap ito ng maraming manunulat para sa kanilang koleksyon sa kani-kanilang aklatan.

Ang pinambili ko'y KATAS ng isang artikulo kong nalathala sa tuwing ikalawang taon ng panitikang Ani ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Artikulong "binayaran" o binigyang pabuya nang mapili iyon at mailathala nila. Kaya ang salaping galing sa panitikan ay ibinili ko rin ng mga klasikong aklat pampanitikan. Kaya taospusong pasasalamat sa CCP! Mabuhay kayo at sa patuloy ninyong pagsuporta sa panitikan at sa mga tulad naming manunulat!

Nabili ko ang OROZMAN AT ZAFIRA na akda ni FRANCISCO BALAGTAS, na siya ring may-akda ng walang kamatayang FLORANTE AT LAURA. Halagang P450.00, may sukat itong 8.5" x 11" at naglalaman ng 320 pahina.

Nabili ko ang aklat na BALARILA NG WIKANG PAMBANSA na akda ni Ka LOPE K. SANTOS, na siyang itinuturing na Ama ng Balarila. Halagang P600.00, may sukat itong 7" x 10" at naglalaman ng 538 pahina (42 pahinang naka-Roman numeral sa unang bahagi, at 496 pahinang naka-Hindu Arabic numeral).

Nabili ko ang SURI: Pag-arok sa Likhang Panitik ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera. Minsan ko na siyang nakasama sa isang pagtitipon na dinaluhan din ni Apo Chua ng Teatro Pabrika, nagpakuha kami noon ng litrato, subalit wala akong kopya. Halagang P650.00, may sukat itong 6" x 9" at naglalaman ng 416 pahina.

Ang nasabing tatlong klasikong aklat ay pawang nabili ko sa Solidaridad Bookstore sa Padre Faura sa Ermita, Maynila, habang ang Classic Poems to Read Aloud ay nabili ko naman sa BookSale sa Pedro Gil sa halagang P125.00, may sukat na 5" 8" at may 256 pahina.

Isiningit ko ang pagbili ng mga librong ito bago ang pulong sa ilang kasamang taga-San Andres hinggil sa aming pagsusuri sa isang batas na nakakaapekto sa isyung pambayan. Maraming salamat.

- gregoriovbituinjr.
06.03.2021

Magpatuloy lang

MAGPATULOY LANG

pinagtatawanan ako ng mga pinagpala
pagminuto ko ng pulong ay baka raw patula
ngunit alam kong biro iyon, di minamasama
lalo't lagi naman akong nakatapak sa lupa

basta't aking pinagbubutihin ang bawat gawain
gaano man kabigat bawat atang na tungkulin
sige, magtawa sila, di ko naman pinapansin
basta't ginagawa'y wasto, huwag mamasamain

ganyan lang yata talaga ang buhay ng makata
pasensya kung palabiro ang mga pinagpala
buhay kasi ng makata'y singhirap lang ng daga
na kung di kakayod aba'y lagi nang walang-wala

sige lang, sila naman ay pinagpalang totoo
na pag pumalag ka, aba'y babalikan lang ako
kaya mabuting maging mahinahon, pasensyoso
para walang sakitan ng loob dito sa mundo

maging malikhain ngang sadya, likha lang ng likha
unang nobela'y sinimulan, akda lang ng akda
may adhikain man sa bayan, katha lang ng katha
sa kabila ng naranasan, tula lang ng tula

- gregoriovbituinjr.

Gaano man kalayo

GAANO MAN KALAYO

gaano man kalayo ang sinisintang kaniig
ay malapit pa rin pag komunikasyon ay ibig
kaya pangungulila'y di kami kayang malupig
di kayang paghiwalayin ng anumang ligalig

kina Alwina't Aguiluz ay sinong manlulupig?
kina Malakas at Maganda'y sinong mang-uusig?
kina Ibarro't Amihan, sinong makadadaig?
kina Goryo at Libay ay sinong manliligalig?

hangga't iwing mga puso'y patuloy sa pagpintig
anumang lumbay at pagkasawi'y di mananaig
may karamdaman man at patuloy sa panginginig
di magagapi ang dalawang pusong umiibig

dalawang pusong mainit sa gabing anong lamig
dalawang diwang patuloy na nagkakapitbisig
dalawang magkasuyong nagkakaniig sa banig
dalawang sintang may prinsipyo't kapwa tumitindig

pag-uusap ng dalawang puso'y iyo bang dinig?
nakikita mo ba silang parehong kinikilig?
o nadarama mo sa saknong ang bawat pagpintig?
habang sa bawat taludtod, binibilang ang pantig

- gregoriovbituinjr.

Munting tula sa rali sa DOLE

MUNTING TULA SA RALI SA DOLE‎ binibilog nilang muli ang ating mga ulo ‎ayaw na raw ibigay ang walumpu't limang piso ‎ganito katindi ang ...