Sonetong may taludturang 2-3-4-3-2

SONETONG MAY TALUDTURANG 2-3-4-3-2
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Eksperimentasyon ko sa paglikha ng soneto ang may ibang paraan ng saknungan at bilang ng taludtod.

Kay Petrarch o Italian sonnet ay may tigapat na taludtod sa una't ikalawang saknong, at tigatlo sa ikatlo't ikaapat na saknong, o 4-4-3-3, at may padrong A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E.

Kay Shakespeare o English sonnet naman ay may tigapat na taludtod sa unang tatlong saknong at dalawang taludtod naman sa ikaapat na saknong, o 4-4-4-2, at may padrong A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G.

Ang mga unang gawa kong soneto ay sa ganyang padron ko sinunod. Subalit sa ngayon, napag-isip-isip kong gumawa ng sonetong may taludturang 2-3-4-3-2. Kaya may limang saknong ito. Ang una't ikalimang saknong ay may tigalawang taludtod. Ang ikalawa't ikaapat na saknong ay may tigatlong taludtod. At ang ikatlong saknong ay may apat na taludtod.

Ang mga nalikha kong sonetong naririto'y may padrong A-A, B-B-B, C-C-C, D-D-D, A-A. Mapapansin sa ikatlong soneto, na bagamat kapwa nagtatapos sa titik a ang ikalawa't ikaapat na saknong ay hindi ito magkatugma  dahil ang ikalawa'y may impit at ang ikaapat ay walang impit. Magkatugma ang daga at wala, ngunit hindi magkatugma ang daga at demokrasya.

Kung papansinin naman, ang ikalawang soneto'y isang tulang akrostiko, na ibig sabihin, ang mga unang titik ng bawat taludtod ay bumubuo ng isang salita o higit pa. Kaya kung iyong babasahin pababa ang mga unang titik ng bawat taludtod ng nasabing soneto, mababasa mo ang mga salitang "Ang Organisador".

Narito ang nilikha kong unang tatlong sonetong may bilang ng taludturang 2-3-4-3-2, na sa kalaunan ay madaragdagan pa ang mga sonetong likha sa ganitong pamamaraan:

(1) Soneto sa pagtatanim

nais kong magtanim ng puno upang may mapitas
nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas

simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan
ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan
nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan

ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo
kaya dapat ibunga'y namumunong matitino
at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo
na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo

itanim ang punong may prinsipyong makatutulong
na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong
nang asam na makataong lipunan ay yumabong

itanim ang magbubunga ng masarap na prutas
upang mga kakain ay lumusog at lumakas

(2) Soneto sa organisador

Animo'y agila kang naroon sa himpapawid
Na sa kalawakan ay may kung anong ihahatid

Gayong isa kang langay-langayang nakikibaka
Organisador na hangad baguhin ang sistema
Rebolusyonaryong kumikilos para sa masa

Ginagampanan mo ang itinalagang tungkulin
At tinataguyod ang niyakap na simulain
Nasa isip paano magtagumpay sa layunin
Isinasagawa ang bawat misyong dapat tupdin

Sa anumang samahan, kapwa'y iyong nililingap
At lagi kang kasama ng masa sa dusa't hirap
Di ka basta aatras sa labang inyong kaharap

Organisador kang maalam sa taktika't pihit
Risko man at problema'y kaharap sa bawat saglit

(3) Soneto sa dukha

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

2.12.2020

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis