Sabado, Hunyo 27, 2020
May pilay na ang isang sisiw
paika-ika na ang sisiw na kusang umuwi
tumambay na lang sa kulungan, tila nangingiwi
marahil dahil sa pilay na nadarama'y hapdi
sana'y di malala ang kanyang paa't walang bali
naglilimayon na sila sa labas ng kulungan
gayong mga sisiw silang wala pang isang buwan
sa unang araw ng Hulyo'y kanilang kaarawan
sana'y magsilaki silang malusog ang katawan
gumagala sa umaga, sa gabi'y kinukulong
ang labing-isang sisiw na tumutuka ng tutong
kasama ang inahing sa kanila'y kumakanlong
pagkahig at pagtuka nga sisiw na'y marurunong
sa napilayan sana'y walang mangyaring masama
kumain ng kumain nang gumaling at sumigla
sa pilay na sisiw, inahin ang mag-aalaga
at sana ang kanyang pilay ay tuluyang mawala
pagmasdan mo ang ibang sisiw at nakakaaliw
subalit kaylungkot pagmasdan ng pilay na sisiw
tila ako'y kanyang amang sa anak gumigiliw
pagkat alaga siyang sa puso'y di nagmamaliw
- gregbituinjr.
06.27.2020
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Munting tula sa rali sa DOLE
MUNTING TULA SA RALI SA DOLE binibilog nilang muli ang ating mga ulo ayaw na raw ibigay ang walumpu't limang piso ganito katindi ang ...
-
PAGSUSULIT Tula ni Sheikha Hlewa Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha (Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.) Napakahuli na ng mga aralin n...
-
DI SAPAT ANG TULOG matutulog na ng alas-diyes mabuti iyan sa kalusugan ngunit nagigising ng alas-tres ng madaling araw, madalas 'yan lim...
-
SONETO 94 ni William Shakespeare malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg) Si...


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento