Ilang tanaga sa pagkilos

 1
paano maghimagsik
laban sa laksang switik
dukha'y dapat umimik
huwag patumpik-tumpik
2
sabik ang lumaban
itaob ang gahaman
palitan ang lipunan
at magsilbi sa bayan
3
panlipunang hustisya
ang pangarap tuwina
kaya nakikibaka
para sa dukha't masa
4
mabuhay ang obrero
nakibakang totoo
misyon ay sosyalismo
para sa ating mundo
5
halina't magsikilos
mga kapwa hikahos
at palayaing lubos
ang bayang binusabos
6
babae'y minamahal
di dapat binubuntal
di dapat sinasakal
ng taong nagmamahal
7
pag dukha’y hinahamak
ay gawaing di tumpak
pag ang lider ay tunggak
ay dapat lang ibagsak

tanaga - katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2020, pahina 20

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis