Ang pamuwat

ANG PAMUWAT

bukod sa aliping sagigilid at namamahay
mayroon pa palang aliping saluwat sa hanay
tila ba timawa noon na naging malayang tunay
na iba sa timawa ngayong kawawa sa buhay

o kaya'y iba talaga ang aliping saluwat
may kalayaan na ang alipin ngunit di sapat
gumagawa sa bukid ng amo ng walang bayad
kundi nakakakain lang, tila paglayang huwad

malaya na siya dahil di na nilalatigo
lumaya dahil ba amo na'y nagpapakatao?
alipin pa rin siyang walang bayad kahit singko
habang nililinang ang bukirin ng kanyang amo

tunay nga bang lumaya o alipin pa ring sadya?
buhay na ba'y umalwan, dama na ba ang ginhawa?
o pamuwat na nagsisilbi'y tunay na dakila?
alipin nang isilang ngunit ngayon na'y malaya?

- gregoriovbituinjr.

* hango sa UP Diksiyonaryong Filipino, Binagong Edisyon, pahina 907

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis