Ditorin

DITORIN

nais kong makita ang anyo ng ibong ditorin
at mapakinggan din ang kanyang huni o awitin
tulad ng uwak at tuko, ipinangalan man din
sa tunog, pagsasalita o anumang sabihin

kung itanong kaya kung sinta ko'y saan dumaan
kung marinig kong "dito rin" ang kanyang kasagutan
nasa tama ba akong direksyon, ah, pag-isipan
pagkat siya'y ibong marahil iyon lang ang alam

ngunit maganda siyang karakter sa mga pabula
na maaari kong gamitin sa kwentong pambata
mabuti't aking nasaliksik ang gayong salita
sa isang diksiyonaryong kaagapay ng madla

pag may nabasang kaibang salitang tulad niyon
ay agad nabubuhay yaring diwa, inspirasyon
upang kumatha ng sanaysay, tula't kwento ngayon
ah, ibong ditorin, salamat sa iyo kung gayon

- gregoriovbituinjr.
01.17.2022

ditorin - sa zoolohiya, Sinaunang Tagalog, ibon na tila nagsasabi ng "dito rin" kapag umaawit, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 297

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis