Soneto 29

SONETO 29
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Pag kahiya-hiya yaring palad / at sa mga mata pa ng madla,
Ay mag-isa kong ipinanaghoy / yaring marawal na kalagayan,
At ang langit ay magulo't bingi / sa aking walang kwentang pagluha,
At itong sarili'y pinagmasdan, / at sinumpa yaring kapalaran.
Na isang pag-asang umaapaw / ang ninanais kong magkaroon,
Nilarawang tulad niya, tulad / niyang ang mga katoto'y angkin,
Hangad ang sining ng taong ito / at yaong sakop ng taong iyon,
Kung saan aking tinatamasa / kahit paano'y kasiyahan din;
Datapwat sa pag-alalang ito'y / halos sarili na'y hinahamak,
Mapalad nga't inaalala ka, / pati na yaring kalagayan ko,
Na tulad ng isang ibong lagsing / sa pagputok ng araw sumikat
Mula mundong mapanglaw, inawit / sa pinto ng langit yaong himno;
Tungo sa matamis kong pagsintang / tanda ko'y dulot ng yamang iwi
Na lagay ko'y ayokong baguhin / maging sa harap ng mga hari.

05.30.2022

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - patinig na may impit a; katinig na mahina a;
cdcd - katinig na mahina o; katinig na mahina i;
efef - katinig na malakas a; patinig na walang impit o;
gg - patinig na may impit i.

Talasalitaan:
ibong lagsing - lark, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahinga 661.

SONNET 29
from the book The Sonnets, by William Shakespeare, Collins Classics

When in disgrace with Fortune and men's eyes,
I all alone beweep my outcast state,
And trouble deaf heaven with my bootless cries,
And look upon myself, and curse my fate,
Wishing me like to one more rich in hope,
Featur'd like him, like him with friends possess'd,
Desiring this man's art, and that man's scope,
With what I most enjoy contested least;
Yet in these thoughts myself almost despising,
Haply I think on thee, and then my state,
Like to the lark at break of day arising
From sullen earth, sings hymns at heaven's gate;
For thy sweet love rememb'red such wealth brings
That then I scorn to change my state with kings.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis