Pansurò pala ang Tagalog ng dustpan




PANSURÒ PALA ANG TAGALOG NG DUSTPAN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan. 

Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurò para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala.

Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurò sa pahina 86 ng nasabing aklat:

(1) May dala nang walis at pansurò ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansurò. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

(2) Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurò. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Ipinakita ko ang usapan sa bawat talata, hindi lang ang pangungusap, upang mabatid natin paano ba isinulat ang kwento nang lumitaw ang salitang "pansurò" kaya natiyak nating dustpan ang tinutukoy.

Nagsaliksik pa tayo. Tiningnan natin sa makapal na UP Disksiyonaryong Filipino ang salitang pansurò, na binubuo ng unlaping "pan" at salitang ugat na "suro". Sa pahina 930 nito ay walang "pansurò" sa gitna ng mga salitang "pansuri" at "pant". Kaya tiningnan natin ang salitang ugat na "suro" sa pahina 1189, kung saan nakasulat:

su-rò png 1: salok na patulak, 2: pagtulis ng nguso, 3: [Sinaunang Tagalog] kutsara. Makikita sa titik o na may tuldik na paiwa sa taas na ito'y may impit ngunit mabagal ang bigkas, may diin sa "su". At sa kahulugan ay hindi lapat ang ikalawa at ikatlong kahulugan, subalit marahil ay ang una, dahil ang dustpan ay pandakot, na sumasalok na patulak, upang makuha ang dumi.

Marahil nga ay lumang Tagalog na hindi na ginagamit. Subalit kaygandang nakita natin ito na may sariling wika pala tayo para sa dustpan.

Napag-alaman natin sa Rizal Library website na si De Guzman-Lingat ay nabuhay mula 1924 hanggang 1997. Nakasulat doon: "Rosario de Guzman-Lingat (1924 – 1997) was a prolific Filipina author, producing the bulk of her writings from the 1960s to the 1970s.  Her works included novels and short stories that came out in the popular magazines of the time, scripts for television drams, essays, and poetry." http://rizal.library.ateneo.edu/index.php/node/796

Kaya ang salitang "pansurò" ay ginagamit noong bandang dekada singkwenta hanggang sisenta. Ayon sa kanyang talambuhay na sinulat ni Soledad Reyes, "Lubusang nanahimik si Lingat noong dekada walumpu subalit patuloy pa rin siyang bahagi ng sinumang magbabasa ng kanyang mga akda..."

Ngayon ay maaari na nating gamitin ang salitang "pansurò", at hindi lang "pandakot" (na magagamit din sa pala) para sa dustpan. Kumatha ako ng munting soneto hinggil dito.

PANSURÒ
Munting soneto ni GBJ

nabanggit sa isang kwento ang walis at pansurò
katumbas ng dustpan na salitang di pa naglahò
sa kwento ni Rosario De Guzman-Lingat nahangò
tila siya sa pag-unlad ng ating wika'y sugò

halina't Tagalog ng dustpan ay ating gamitin 
bilang ambag upang sariling wika'y payabungin
payak mang salita ngunt may katumbas sa atin
na ginamit ng husay ng mga ninuno natin

kaya pagpupugay, taos-pusong pasasalamat
ang ating paabot kay Rosario De Guzman-Lingat
kanyang mga kwento'y kaylalim mang kapara'y dagat
sa panitikang pambansa'y isa siyang alamat

teka, gagamitin ko muna ang pansuro't walis
upang mga alikabok sa paligid ay mapalis

10.20.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis