Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2024

Dalawang app game sa selpon

Imahe
DALAWANG APP GAME SA SELPON sinagot sa panahong tahimik o maingay ngunit walang imik na sa selpon ay aking pinitik sambuwan ng  Sudoku 't  Word Connect sa dami man ng mga gawain nagpapatuloy man sa layunin pinakapahinga na ang app game sa hapon o pagkagat ng dilim naiiba ang ihip ng utak matapos sa rali'y magtatalak ng mga isyu't paksang palasak at katiwalian ding talamak mabuti't utak ay mapadugo sa app game na nakararahuyo pahinga ko na ang paglalaro lalo't isyu'y nakapanlulumo - gregoriovbituinjr. 04.30.2024

Indian missile, nasa Pinas na

Imahe
INDIAN MISSILE, NASA PINAS NA BhraMos supersonic cruise missile na mula sa India ang dumating sa bansa para raw armas sa gera mahal man ito, bansa'y naghahanda na talaga nang sa mundo'y ipakitang tayo'y may pandepensa upang ipakitang bansa'y di basta makawawa at di basta makagalaw ang nagbabantang bansa missile upang ipagtanggol ang tinubuang lupa habang kapitalista ng armas ay tuwang-tuwa ang bansa'y nagiging magnet o balani ng sindak ginawang base ng U.S. na EDCA ang inanak siyam na base ng Kano sa bansa sinalaksak habang Pinoy pag nagkadigma'y gagapang sa lusak missile na iyan ay di naman sa atin tutubos kundi mangwawasak lang ng mga buhay na kapos dinadamay lang tayo sa digmaan, inuulos ng U.S. at Tsinang bawat isa'y nais mapulbos aralin natin ang kasaysayan ng rebong Ruso masa'y di sinuportahan ang Tsar sa gera nito kundi inorganisa nina Lenin ang obrero upang mapalitan ang sistema nang magkagulo tungkulin ng manggagawang itayo ang lipunan nila, di

Panghilod

Imahe
PANGHILOD gamit ni misis sa aking likod ang mahiwagang batong panghilod hiniluran ko naman ang tuhod binti, sakong, hanggang sa mapagod natanggal ang isang kilong libag nang mahiluran ay nangalaglag para bang aking puso'y binihag ng magandang diwatang lagalag nang makaligo, ramdam na'y presko libag pa'y nabawasang totoo napatitig ako sa kuwago at sa parot na maraming kwento kaygaling ng panghilod ni misis isang kilong libag ko'y napalis - gregoriovbituinjr. 04.28.2024

Pinta para sa Kababaihan

Imahe
PINTA PARA SA KABABAIHAN Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Tatlong aktibidad ang dinaluhan ko nitong Abril 26, 2024, araw ng Biyernes. Una'y lumahok ako, kasama ang grupo kong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) sa raling pinangunahan ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) mula ikasiyam hanggang ikasampu ng umaga. Hinarang kami ng kapulisan sa Morayta. Ang ikalawa'y ang aktibidad ng FDC (Freedom from Debt Coalition) sa CHR (Commission on Human Rights) mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalabindalawa ng tanghali. At ikatlo ay ang rali ng KPML, kasama ang Partido Lakas ng Masa - Urban Poor Committee, ZOTO-GMA, at ang grupong Kadamay mula ikatlo hanggang ikalima ng hapon sa harap ng tanggapan ng NHA (National Housing Authority) at sa DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development). Ang una at ikatlo ay talagang rali. Kaya isang magandang pahinga mula sa rali ang idinaos na aktibidad ng FDC. Matapos ang unang rali ay tumuloy a

Ka Apo Chua, Pambansang Alagad ni Balagtas 2024

Imahe
KA APO CHUA, PAMBANSANG ALAGAD NI BALAGTAS 2024 Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Siyam silang tumanggap ng  Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas  sa  5 0th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas.  Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado. Kayganda ng tema ng nasabing Kongreso ng UMPIL:  "Ang Manunulat Bilang Aktibista ng Kapayapaan".  Isa sa mga nakatanggap dito ang matagal ko nang kakilalang si  Ka Apo Chua , dahil siya ang mentor ng  Teatro Pabrika , na kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na kinilakhan ko na bilang maglulupa at organisador. Ginawaran si Ka Apo ng nasabing parangal sa kategoryang "Critisism in Filipino". Isa pa sa kakilala kong kasama niyang nagawaran ng parangal ay si  Dean Jimmwel C. Naval (Fiction in Filipino)

Pagdungaw ni Muning

Imahe
PAGDUNGAW NI MUNING nabigla ako't akala'y daga ang naroong dumungaw na sadya iyon pala'y ang aming alaga si Muning, ang buntis naming pusa mga bubuwit ang kanyang hanap kahit tulog ako't nangangarap minsan, lumundag ang pusang yakap at sinagpang ang daga ng iglap kaytapang ng mga dagang iyan na nakikita ko sa tahanan daga pa'y nakikipagtitigan sa akin hanggang magbulabugan ang mga daga'y nakakapraning mabuti't naririyan si Muning at mag-utol na Lambong at Lambing at nakakatulog nang mahimbing - gregoriovbituinjr. 04.27.2024

Oda sa sinta

Imahe
ODA SA SINTA may kwento habang natutulog ako raw ay nagkukumahog sa paghabol sa sintang irog pag-ibig ang iniluluhog ang pasya ko'y di na sungkitin sa kalangitan ang bituin at buwang iyong kukwitasin tungong pag-iibigan natin di kita bibigyan ng rosas handog ko'y isang sakong bigas upang sa gutom makaiwas para sa maligayang bukas oda sa iyo'y aking alay habang patuloy sa pagnilay ang iyong OO'y hinihintay tanda ng pag-ibig na tunay - gregoriovbituinjr. 04.26.2024

069

Imahe
069 estilong aso raw o dog style, anila ang numerong sixty-nine, tayo'y natatawa o nangingiti sa haraya at pantasya lalo na't may ka-partner ka o may asawa numero iyon ng nasakyan kong traysikel nakaupo roong sa diwa'y umukilkil animo itong isipa'y napakatabil gayong di naman matambok ang aking bilbil anong palagay mo sa sisenta't nuwebe, animnapu't siyam, sixty-nine, anong siste lalo't magkasuyo'y magtatalik sa gabi baka nasa isip, may kondom bang binili edad sisenta'y nuwebe sana'y abutan at kung maaari, iyon ay malampasan na malakas pa rin ang tuhod at katawan na nagagawa pa ang estilong sixty-nine - gregoriovbituinjr. 04.25.2024

50 Greatest na Kwento

Imahe
50 GREATEST NA KWENTO nabiling aklat ay walang kaparis una'y ang  Fifty Greatest Short Stories sunod ay  Fifty Greatest Love Stories at  Fifty Greatest Detective Stories pinuntirya't pinag-ipunang sadya ang mga librong tila pambihira klasikong awtor at klasikong akda na babasahin mo mula't simula mga dagdag sa munti kong aklatan habang dumadaloy ang panitikan sa aking ugat at mga kalamnan sa aking puso, bituka't isipan mga librong para sa aki'y ginto upang pagsusulat pa'y mapalago mga kwentong paksa'y saya't siphayo na mula pa sa iba't ibang dako mga aklat nga itong inspirasyon upang magkaroon ng bagong layon Fifty Greatest Kwentong Pinoy  matipon at malathala rin ito paglaon - gregoriovbituinjr. 04.24.2024

Pulahan

Imahe
PULAHAN ako nga ba ay isang pulahan na dapat lang daw i-redtag naman ngayon na ba'y isang kasalanan ang pagkilos nang para sa bayan may pula nga sa ating bandila tanda ng magigiting sa bansa na lumaban para sa paglaya mula mananakop na Kastila pula ang kulay ng ating dugo pula ang dumadaloy sa puso pag nasugatan tatapang lalo tinalupa't balat ma'y maghalo itayo'y makataong lipunan karapatang pantao'y igalang pati panlipunang katarungan prinsipyong iyan ba'y kasalanan pawis sa noo'y tumatagaktak ngunit di mapagapang sa lusak ang tulad kong Spartan na tibak na di papayag na hinahamak ay, siyang tunay, pulahan ako tanda ng mapagpalayang tao e, ano, pulahan ang tulad ko babarilin mo ba agad ako kung ganyan ka, ikaw ang berdugo pumapatay ng walang proseso mga halang ang bituka ninyo kayong bulok nga ang pagkatao - gregoriovbituinjr. 04.23.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Kalikasan

Imahe
KALIKASAN sino pang magtutulong kung tayo'y ginagatong ng klimang urong-sulong na dulot ay linggatong sistemang capitalist bayan na'y tinitikis isigaw:  Climate Justice wakasan ang Just-Tiis - gregoriovbituinjr. 04.22.2024 * litratong kuha ng makatang gala sa  Global Climate Strike , Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, Setyembre 20, 2019.

Ngayong Earth Day

Imahe
NGAYONG EARTH DAY halina't tayo'y magsikilos para sa kalikasang lubos at nang masa'y makahulugpos sa sistemang mapambusabos kapitalismo'y mapangyurak dignidad ng tao'y hinamak dukha'y pinagapang sa lusak ang kalikasan pa'y winasak ngayong Earth Day ay magkaisa upang baguhin ang sistema dignidad ay bigyang halaga kapitalismo'y palitan na protektahan ang sambayanan hanggang maitayo ng bayan yaong makataong lipunan at maayos na daigdigan - gregoriovbituinjr. 04.22.2024 * litratong kuha ng makatang gala sa  Global Climate Strike , na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, Setyembre 20, 2019.

Pandesal muli ang almusal

Imahe
PANDESAL MULI ANG ALMUSAL pandesal muli ang almusal habang naritong nagtatsaa almusal muli ay pandesal tulad ng karaniwang masa tara na't mag-agahan tayo kailangan nating kumain upang sumigla ring totoo itong katawan pagkagising kaysaya't kasalo si misis na sabay laging mag-agahan nang iwing gutom ay maalis lumakas naman ang katawan pandesal sa agaha'y sikat hanap ng masa pag nagmulat - gregoriovbituinjr. 04.21.2024

Pagbabalik

Imahe
PAGBABALIK nakabalik na sa Pilipinas, este Maynila, galing Batangas upang gampanan ang inaatas na pagtayo ng sistemang patas kaya marapat ding isabuhay ang pangarap na yakap na tunay kaya patuloy na nagsisikhay nang lipunang asam ay mataglay tila lamay ay isang bakasyon upang tuparin ang nilalayon ngunit patuloy pa rin sa misyon ang tibak na ito hanggang ngayon kaya maghahanda ang makata kasama'y nakikibakang dukha upang maisiwalat sa madla ang yakap na misyon at adhika - gregoriovbituinjr. 04.21.2024

Paglisan

Imahe
PAGLISAN lumuwas na ng aking maybahay mula sa ilang araw na lamay mula nang mamayapa  si Itay at damdamin ay tigib ng lumbay lumuwas matapos ang pasiyam habang naroon namang naiwan ang mabubuting kamag-anakan at si Inay at kapatid naman nagdasal din at nagsalu-salo at nagtungo rin sa sementeryo doon ay nagnilay na totoo kaya nagawa ang tulang ito pang-apatnapung araw sasapit ay kami'y muling uuwi, hirit bilang pagrespeto'y aking sambit babalikan si Dad na kaybait - gregoriovbituinjr. 04.21.2024

Salusalo sa pasiyam

Imahe
SALUSALO SA PASIYAM matapos ang dasal ay nagsasalusalo ang magkakamag-anak at kakain dito tulad ng inihandang pansit at adobo habang namayapa'y inalayan din nito tuyong kalamyas at sinaing na tulingan sa lamay at pasiyam ay muling natikman inuulam ko pag napunta ng Balayan sa tuyong kalamyas sila'y inuunahan di na ako mahilig sa pansit at karne bagamat may luto namang adobo rine gulay at isda na lang ang aking putahe o kaya'y magta-tsaa o barakong kape may dasal sa umaga, sunod ay sa hapon tutungong sementeryo bago dapithapon pagka apatnapung araw pa ay mayroon babangluksa naman sa susunod na taon - gregoriovbituinjr. 04.20.2024

Tibaw

Imahe
TIBAW ngayon ang ikasiyam na araw mayroon pang pasiyam o tibaw bilang alaala sa namatay at ipagbunyi ang kanyang buhay nagsasama-sama ang kaanak at kaibigan, ipagdarasal ang namayapa bilang respeto habang narito pa raw sa mundo tradisyon na ang tibaw sa bansa tayo'y tigib mang lumbay at luha isang salusalong ginagawa't ginugunita ang namayapa't  ang masasaya nilang kahapon babangluksa'y sa sunod pang taon - gregoriovbituinjr. 04.20.2024 *  tibaw  - sinaunang salusalong ginagawa sa ikatlo o sa ikasiyam na araw ng kamatayan ng isang tao; nagsasama-sama ang mga kaanak at kaibigan ng namatay upang ipagdasal ito, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino * namatay si Dad ng Abril 12, kaya sa bilang na siyam na araw ay kasama ang petsa 12, kaya Abril 20 - Abril 11 = 9 na araw

Libing

Imahe
LIBING katanghaliang tapat nang nagmisa sa Balayan bago dalhin si ama sa kanyang paghihimlayan matapos ay hinatid ng labinlimang sasakyan si ama patungong Calaca sa huling hantungan napakainit ng tanghaling natigib ng luha nang bumabaybay ang sasakyan patungong Calaca ngunit hanging kaylamig ang humahampas sa mukha hanggang marating ang sementeryong gabok ang lupa tila ba sa kabaong si Dad ay himbing na himbing bagamat alam nating di na siya magigising inilagak na sa huling hantungan ang magiting na amang sa asawa't mga anak ay kaylambing pagpupugay sa iyo, Dad, sa inalay mong buhay sa pamilya at sa kapwang natulungan mong tunay pinakita sa iyong larang ang napakahusay na serbisyo sa bayan at sa pamilyang kalakbay - gregoriovbituinjr. 04.19.2024 * litratong kuha ng makatang gala nang inilagak ang labi ng kanyang ama sa sementeryo ng Calaca, ikatlo ng hapon, Abril 18, 2024 * ang nasa ilalim na lapida ay sa kanyang ama at ina

Huling gabi ng lamay

Imahe
HULING GABI NG LAMAY marami pa ring kamag-anakan ang naroroong nagdaratingan tulad ng tiyahi't magpipinsan iba'y kaylayong pinanggalingan di makatulog sa huling gabi kaya nagbantay na lamang dine sa pagninilay ipinipirmi ang paksang itutula ko sabi ang umalis sa sariling bayan ay bumalik din sa pinagmulan ang ipinanganak sa Balayan sa bayang iyon uuwi naman naritong pulos kape't salabat nang sa huling lamay ay magluwat patuloy na nagtutugma't sukat buong araw tiyak ako'y puyat - gregoriovbituinjr. 04.18.2024

Ama bilang bayani ng pamilya

Imahe
AMA BILANG BAYANI SA PAMILYA sa bawat anak, bayani ang tatay lalo't di nito bisyo ang tumagay kundi anak ay pag-araling husay anak nama'y makikinig na tunay sa amin, si Dad ay isang bayani na talagang maipagmamalaki nagawaran pa siya ng  Employee of the Year  noon ni Pangulong Cory nagtrabaho sa kabila ng hirap ng buhay ay talagang nagsumikap sa pamilya'y tunay na may pangarap na ginhawa'y makamit naming ganap wala na si Dad, na namayapa na sa edad niyang walumpu't dalawa pagpupugay sa iyo, aming ama tangi kong masasabi'y  "Mabuhay ka!" - gregoriovbituinjr. 04.17.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Tubig, kape at salabat

Imahe
TUBIG, KAPE AT SALABAT kayrami kong nainom sa lamay di alak dahil doon ay bawal walang sugal at walang pagtagay kundi tubig, kape at salabat may meryendang tinapay sa plastik may mani at iba pang kutkutin may butong pakwan, biskwit at kornik habang nagsusulat, di antukin inihanda sa mga bisita at kamag-anak na naroroon na kwento naman ang baon nila pawang talakayan ng kahapon ako sa kanila'y nakikinig nakilala'y ibang kamag-anak habang nagsasalabat o tubig nabatid ko'y lalamnin ng pitak - gregoriovbituinjr. 04.17.2024

Panganay

PANGANAY Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Pangalawa ako sa anim na magkakapatid, at panganay sa apat na lalaki. Ako ang junior ni Dad dahil ipinangalan ako sa kanya. Ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nasa US dahil pinetisyon ng anak kaya silang mag-asawa ay naroroon nang mamatay si Dad noong Abril 12. Kaya ako muna ang tumayong panganay sa magkakapatid habang wala si Ate. Bagamat hindi talaga ako ang naging punong abala sa burol kundi ang pangatlo, pang-apat at bunso na nakasama ni Dad sa kanyang huling sandali. Bagamat tumulong din ako at nagbantay sa burol habang tulog ang lahat. Dala ko ang trabaho kahit sa lamay. Nagtitipa sa kompyuter ng madaling araw habang tinatapos ang nakuha kong kontrata ng translation mula sa isang institusyon. Abril 15 ang ikatlong deadline (34 pahina) at Abril 19 (anim na pahina) ang huling deadline. Kaya nagtatrabaho pa rin kahit nasa lamay. Tamang-tama namang nakuha na ni Ate ang kanyang green card nito lang Abril 14, na ibin

Sa landas ng tatlong bayan

Imahe
SA LANDAS NG TATLONG BAYAN Maikling kwento at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Marahil ay magtataka ang iba pag nalaman nilang tatlong bayan itong tinatahak nang mamatay si Dad. Ang punerarya ay mula Nasugbu, ang burol ay sa Balayan, at ang libing ay sa Calaca.  Karaniwan kasi, pag namatay ay sa isang bayan lang ang nag-aasikaso, o kaya'y dalawang bayan, na ang bayan ay katabi ng isa pang bayan. Subalit kay Dad ay tatlo. May kwento kasi iyan. Si Dad talaga ay taga-Balayan, subalit nagkaroon ng bahay sa isang barangay sa Nasugbu kung saan maraming kamag-anak na Bituin. Sa pagitan ng Nasugbu at Balayan ay ang bayan ng Tuy (na binibigkas na Tu-Wi), na marami ring kamag-anakang Bituin, tulad sa Barangay Putol. Nais naman ni Dad mailibing sa Calaca dahil doon din nakalagak ang mga labi ng Tatang, o Mamay (o lolo) Tura at Nanay (o lola) Tinay, na magulang ni Dad. Kung sa Balayan siya ilalagak ay solo lang siya, at makakasama niya marahil doon ay ang kanyang balae na si Ka Juani. Iyan ang p

Hikab sa lamay

Imahe
HIKAB SA LAMAY ramdam ko na ang antok, naghikab  ngunit di pa oras magpahinga  dapat pang asikasuhing ganap  ang kamag-anakan at bisita  nakadalawang hikab na ako ay, dapat nang magpahingang tunay sa tula ako nagpasaklolo na siyang sa akin umalalay pag mga bisita'y nag-uwian maglilinis muna ng paligid ipasok ang pinggan, kanin, ulam saka bintana't pinto'y ipinid at sa mahabang bangko'y humiga mga mata'y marahang ipikit habang sa mahal nangungulila ay matutulog ng ilang saglit - gregoriovbituinjr. 04.16.2024

12 at 17

Imahe
12 AT 17 Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Si Dad ang panlima at si Tiyo Mado ang pang-anim sa magkakapatid. Sila rin ang talagang close. Nang lumuwas ng Maynila si Dad noong 1960s upang mag-aral at magtrabaho, kinuha niya si Tiyo Mado upang makapag-aral din at ipinasok niya ng trabaho sa pinapasukan ni Dad. Sa FEATI University, kung saan doon din ako nagkolehiyo, nakita nina Dad at Tiyo Mado ang kanilang napangasawa. Gayunman, may naikwento ang aking kapatid, habang kausap namin ang aming pamangkin. Birthday ni Tiyo Mado, na nakababatang kapatid ni Dad, tuwing Abril 17. Namatay siya noong nakaraang taon, petsang Nobyenbre 12, limang araw bago mag-birthday si Dad. Birthday naman ni Dad tuwing Nobyembre 17. Namatay siya nitong Abril 12, limang araw bago mag-birthday si Tiyo Mado. Pareho pala silang isinilang ng petsa 17 at namatay ng petsa 12. Usapan nga ay parang nagsunduan ang dalawa, na talaga namang magkalapit o close na magkapatid. Limang araw ang pagitan ng numer

Pangarap

Imahe
PANGARAP pinagsisikapan kong marating ang lipunang asam ng magiting tulad ngayon, kahit bagong gising at ang maybahay ko'y naglalambing paanong ginhawa'y malalasap ng pinaglalabang mahihirap paanong layon ay maging ganap nang kamtin ang lipunang pangarap tuloy ang laban ng aktibista giya ang mga isyu ng masa patuloy kaming nakikibaka para sa karapata't hustisya babaguhin itong nakagisnang bayan ng tiwali't kabulukan itayo'y makataong lipunang sa masa'y dapat may kabuluhan - gregoriovbituinjr. 04.15.2024    

Pagninilay

Imahe
PAGNINILAY isusulat ko ang anumang naninilay ilalarawan ang anumang makukulay kumakatha pa rin kahit di mapalagay sa kasalukuyan man ay tigib ng lumbay akdain din ang masaya o isyung dala bilang abang makata, editor, kwentista bilang mananalaysay ng mga historya bilang tibak na Spartan, limgkod ng masa di ko naman hanap ang lugar na tahimik gabing pusikit man o araw na'y tumirik kahit maingay, handa ang aking panitik magsusulat akong walang patumpik-tumpik ang mahalaga palagi'y may sasabihin at masisimulan mo na ang aakdain - gregoriovbituinjr. 04.14.2024

Kamatayan

Imahe
KAMATAYAN ang lahat ng tao'y mamamatay isang katotohanan ng buhay gayunman, tayo'y tigib ng lumbay pag mahal sa buhay na'y nawalay paano ba agad matatanggap kung may tutuparin pang pangarap kung sa sakuna'y nawalang iglap o kung sa ospital na'y naghirap ang mahalaga, noong buhay pa noong kayo pa'y nagkakasama ay nagsikap, nagmamahalan na at may respeto sa bawat isa kamataya'y di maiiwasan masasabing buhay nga ay ganyan marahil tanging pag-ibig lamang ang mapapabaon sa libingan - gregoriovbituinjr. 04.14.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Takipsilim

Imahe
TAKIPSILIM sumilang ang araw sa bansa, bayan at kanugnog sa daigdig ay sisikat ng pagkatayog-tayog habang ilang oras lamang ito na'y papalubog at bukas ay sisikat muli ng buong pag-irog tulad din ng buhay, may pagsikat at takipsilim tulad din ng pagkawala ng buhay na taimtim tulad kong isang bubuyog na sa rosal sumimsim sa bawat umaga't tanghali, sasapit ang dilim ang paglubog ng araw ay matalinghaga minsan pagkat nauugnay bilang tanda ng kamatayan ngunit paano tatanggapin ang katotohanan na mahal mo'y lumubog na ang araw nang tuluyan nadarama ko pa rin ang kabutihan ni Ama sa aming magkakapatid na inaruga niya ang pagsapit ng takipsilim ay may ibinunga na magkakapatid, pinakita'y pagkakaisa - gregoriovbituinjr. 04.13.2024

Bukangliwayway

Imahe
BUKANGLIWAYWAY ang pagkasilang ay kapara ng bukangliwayway ating magulang ay kaysaya't isang bagong araw pag-uha ng sanggol ay tanda ng pag-asa't buhay pag narinig ng iba'y palakpak at di palahaw magsasaka'y gising na bago magbukangliwayway paparoon na sa bukid kasama ng kalabaw mag-aararo at magtatanim ng gintong palay hanggang mag-uhay, pati gulay, okra, bataw, sitaw manggagawa'y gising na sa pagbubukangliwayway papasok sa trabaho, may panggabi, may pang-araw sa pabrika'y binenta ang lakas-paggawang tunay sa karampot na sahod ang metal ay tinutunaw O, bukangliwayway, sa bawat aking pagninilay matapos ang takipsilim, ikaw nama'y lilitaw upang sambayanan ay gabayan, tula ko'y tulay sa masa, tanda ng pag-asa't hustisya ay ikaw - gregoriovbituinjr. 04.13.2024

Tula kay Dad

Imahe
TULA KAY DAD alas-diyes disisiyete kaninang umaga nang mabalitaan namin ang pagkawala niya nagyakapan kami ni misis, may luha sa mata gayunman, tinanggap na naming si Dad ay wala na maraming salamat, Dad, sa inyong pagpapalaki sa amin, ikaw ay aming ipinagmamalaki binigyan ng edukasyon, inalagaan kami at tiniyak na maging mamamayang mabubuti buti't nagisnan ninyo ang kasal namin ni Libay iyon ay isa sa ikinatuwa ninyong tunay pag inyong kaarawan, tula ang tangi kong tulay upang sadyang amin kayong mapasaya ni Inay sa pagkawala ninyo'y tula pa rin itong lahad hanggang sa muling pagkikita, pahinga ka na, Dad - gregoriovbituinjr. 04.12.2024 Ang patalastas na ito'y nilabas bago magtanghali sa pesbuk ng inyong abang lingkod.

Kati sa paa

Imahe
KATI SA PAA minsan, aralin ding kati ay di kamutin upang di naman magsugat ang balat natin kaya ang kati ay talagang titiisin kaysa ginagawa ikaw pa'y abalahin lalo't nakasapatos, paa mo'y makati nakatayo ka pa't siksikan sa LRT tiis-tiis lang, malayo pa ang biyahe katabi mo pa'y kaibigang binibini diyaheng maghubad kung merong alipunga huwag hubarin ang medyas, sa LRT pa baka umalingasaw ang amoy ng paa o kaya'y lumala na ang iyong eksema minsan nga, kakagatin kang bigla ng langgam ay babalewalain ang sagpang ng guyam iyang kati pang tiyak namang mapaparam kaya huwag mo na itong ipagdaramdam - gregoriovbituinjr. 04.12.2024

Paalala sa kubeta

Imahe
PAALALA SA KUBETA paalala'y kaytagal na sa pinasok na kubeta sa opisina, kantina, retawran at kung saan pa kubeta'y huwag iiwang marumi't makalat naman ang inidoro'y buhusan huwag burara sa ganyan may susunod pang gagamit kaya huwag nang makulit iwan mo iyong malinis upang sila'y di mainis kung sumunod ka, salamat tao kang talagang mulat - gregoriovbituinjr. 04.12.2024

Salin wika sa LRT2

Imahe
SALIN WIKA SA LRT 2 minsang sumakay sa Cubao ng LRT2  na balak bumaba sa estasyon sa Recto paskil sa tren ay kinunan ko ng litrato Ingles ay sinalin sa wikang Filipino "Keep hands away from the door edge." "Huwag ilagay ang kamay sa gilid ng pinto." "Do not lean on train doors." "Huwag sumandal sa pinto ng tren." "Emergency brake and door open handle." "Pangkagipitang preno at tatangnan ng pinto." "Break cover, turn handle to apply brake...' "Basagin ang takip, pihitin ang tatangnan para sa preno..." "...and unlock door in emergency. "...at para mabuksan ang pinto sa sandali ng kagipitan." "Emergency use only." "Gamitin lamang sa sandali ng kagipitan." "Penalty for improper use." "May parusa sa hindi wastong paggamit." maraming salamat sa wastong pagsasalin na kauna-unawa habang sakay sa tren pag nabasa ng masa'y talagang susundin na nasa wikang pamb