Ingat: Babala o Bilin?
INGAT: BABALA O BILIN?
aba'y mali yaong tanong
na "Babala sa lilisan"
tatlumpu't walo pahalang
sa isang palaisipan
para bagang nananakot
o may himig pagbabantâ
gayon ba ang kahulugan
pag sinabihan mong "Ingat"?
kung ako ang tagagawâ
ng krosword na tulad niyon
mas mabuti pang isulat
doon: "Bilin sa lilisan"
pag sinabi mong "Babala"
may mangyayaring masamâ
di gaya ng "Bilin", siya'y
pinapayuhan mong sadyâ
may saya't kurot sa pusò
pag sinabihan kang "Ingat"
nagsabi'y mabuting tao
asam ay kaligtasan mo
- gregoriovbituinjr.
03.20.2026
* krosword mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Marso 12, 2026, p.7

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento