Wala man sa toreng garing ang makatâ
WALA MAN SA TORENG GARING ANG MAKATÂ
minsan, may gabing di na siya kumakain
di pa dahil sa kawalan ng kaperahan
kundi mas masarap pang pagnilay-nilayin
ang mga akdang nais iambag sa bayan
panitikan, tulad ng mga tula't kwento
ang buhay nitong makatang nakikibaka
wala man sa toreng garing ang taong ito
tiyak ang makata'y laging nasa kalsada
kasama'y masang pinagsasamantalahan
ng bulok na sistemang dahilan ng luhà
sa mga akda'y kanyang inilalarawan
ang kalagayan ng abang obrero't dukhâ
bagamat makata'y wala sa toreng garing
nais niyang sa akdâ, isyu'y mapatining
- gregoriovbituinjr.
03.18.2026

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento