Usapang Katipunero tayo, mga kapatid

USAPANG KATIPUNERO TAYO, MGA KAPATID

usapang Katipunero tayo, mga kapatid
upang buhay at layunin ay di agad mapatid
tupdin ang sabi't makikilalang tayo'y matuwid
may isang salita tayong dapat tupdin at batid

doon sa Kartilya ng Katipunan ay inakda
ang mga pangungusap ng diwa, dangal at gawa
isa roon ang sa budhi't winiwika'y adhika
sabi: "sa taong may hiya, salita'y panunumpa"

at pag nagsabi tayong Usapang Katipunero
di lang basta usapang lalaki, tutupad tayo
napag-usapa'y tutupdin, may balakid man ito
may isang salita tayong dapat gawing totoo

tumango tayo sa usapan, tayo'y sumang-ayon
sa pag-uugali'y isa na itong rebolusyon
Usapang Katipunero ngayo'y napapanahon
kaya di dapat pairalin iyang ningas-kugon

- grebituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis