Bakit bawal magkasakit?

BAKIT BAWAL MAGKASAKIT?

pag may sakit ka'y di na papansinin
lalayuan ka na lang nilang kusa
tila ba wala ka nang kayang gawin
kundi sa maghapon ay tumunganga

tingin na sa iyo'y namamalimos
ng awa upang makabiling gamot
at batid nilang wala kang panggastos
di ka na pansin, ikaw na'y nalimot

iyan ang masaklap na sasapitin
ng tulad kong may sakit sa kabila
ng katapatan mo sa adhikain
na sadyang tagos sa puso mo't diwa

maliban kung may hawak kang tungkulin
nagagampanan ang misyong dakila
ah, subalit kung pabigat ka lang din
turing sa iyo'y wala ka na, wala

nabuhay na puno ng sakripisyo
ngunit sa gawain ay nagkasakit
nabuhay na niyakap ang prinsipyo
na sa puso't diwa mo'y nakaukit

may sakit ka na, walang pakinabang
ah, magpagaling ka na lang sa bahay
turing sa iyo'y pabigat ka na lang
marami kang kapalit, mas mahusay

tulad ka ng T.V. o radyong sira
di ka aayusin, papalitan ka
para ka nang kagamitang naluma
di na aayusin, papalitan na

kaya sa atin, bawal magkasakit
kaya dapat manatiling malusog
ang katawan ay alagaang pilit
at sa trabaho'y huwag pabubugbog

kung may magmalasakit, ay, mabuti
may kasangga kang nagpapahalaga
ngunit huwag kang basta mawiwili
pagkat bihira lang ang tulad niya

- gregoriovbituinjr.
02.18.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis