Baryang pamasahe

BARYANG PAMASAHE

"Iwas-abala" ang susing salita sa kanila
ipinaskil nga nila'y "Barya lang po sa umaga"
agad mo nang ihanda ang pamasahe sa bulsa
pag-ibis ng traysikel, sa tsuper iabot mo na

sa kamay mo'y dapat ay handa na ang pamasahe
mabilisan ang bayad at sukli, ganyan ang siste
sa pampublikong sasakyan, traysikel, dyip, bus, taksi
sa pagsakay mo sa tren, sa L.R.T. at M.R.T.

"Barya lang sa umaga," paskil sa mga sasakyan
dapat kapado na natin ang paalalang iyan
saan galing, saan bababa, tapos ang usapan
bayad po, ito ang sukli, ganyan lang, mabilisan

upang makakuha agad ng bagong pasahero
at sa pamamasada'y may kita kahit paano
barya-barya ang usapan, di naman iyan bangko
huwag magbayad ng buo at abalang totoo

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ulat sa kolehiyalang ginahasa

Ang makatang walang tigil

Pulang itlog at kamatis